PALALAKASIN ang pagpapatupad ng mga patakaran at regulasyon ng trapiko para maiwasan ang aksidente o sakuna sa National Capital Region (NCR).
Nagkaisa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG), Department of Transportation (DOTR), Land Transportation Office (LTO), at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang matutukan ang mga karaniwang sanhi ng mga aksidente .
Nitong Martes ng hapon, sa idinaos na inter-agency coordination meeting, napagkasunduan ng mga kinatawan ng mga ahensiya ng pamahalaan na paigtingin ang anti-drunk driving at anti-distracted driving operations sa Metro Manila; suspendihin / bawiin / kanselahin ang driver’s license ng mga sangkot sa multiple traffic violations, alinsunod sa batas; sampahan ng kaso ang violators ng paglabag sa Republic Act 10913 o Anti-Distracted Driving Act; magpataw ng mas mahigpit na parusa sa mga driver na sangkot sa mga aksidente na may pinsala sa mga pag-aari ng gobyerno o sampahan ng kaso; maglagay ng strategic checkpoints sa mga oras ng curfew; magsagawa ng random breath analyser tests sa mga driver; at gawing mas aktibo ang pakikipag-dialogo.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, naalarma sila sa vehicular accidents sa Metro Manila, partikular sa mga aksidente kaugnay ng concrete barriers sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA).
“It is high time that we reaffirm our commitment to improve road safety and push collaborative efforts on how to discipline erring motorists and drivers,” ani Garcia.
Sa Road Crash Statistics ng Metro Manila 2020, mula Enero hanggang Agosto, nakapagtala ng 31,811 aksidente, may 136 fatalities, 6,614 non-fatal, at 25,061 ang damages to property.
Ngayong taon ay umabot sa 618 accidents ang nangyari sa EDSA , 509 ang nagresulta sa damage to property habang 105 barrier-related accidents.
Nalaman na ang pinakamataas na kaso ng barrier-related accidents ay pagmamaneho nang lasing, physical fatigue, overspeeding, distracted driving, unauthorized use of accessories o ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho, at vehicle roadworthiness issues. (JAJA GARCIA)