NAGPATUPAD ang pamahalaang lungsod ng Muntinlupa sa extreme localized community quarantine ang residential compound sa loob ng industrial complex sa Barangay Tunasan dahil sa nakaaalarmang pagtaas ng kaso ng CoVid-19.
Iniutos ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi na isailalim sa 15-day extreme localized community quarantine (ELCQ) ang RMT 7A Compound simula 12:00 ng tanghali kahapon, 9 Setyembre hanggang tanghali ng 24 Septyembre.
Sinabi ni Muntinlupa City Health Officer (CHO) Dra. Tet Tuliao, ang compound ay mayroong 11 kompirmadong kaso, limang probable, at limang suspected cases.
Ang CoVid-19 cases sa lugar ay ini-refer na sa isolation and treatment facilities ng lungsod.
Ayon kay Dra. Tuliao, hindi sinunod ang health protocol sa compound at mayroon itong high-risk population ng mga bata, mga buntis, persons with disability (PWDs), at senior citizens.
Ang RMT 7A Compound, ay mayroong 7 pamilya na may 24 indibidwal na matatagpuan sa loob ng industrial complex. Mayroon itong 57 kompanya na nag-o-operate sa lugar at may 1,639 empleyado.
May hinala ang City Health Office na ang canteen sa complex ang naging transmission hotspot.
Inatasan ng pamahalaang lokal ang pagsasara ng canteen habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang City Health Office.
Pinayohan ang mga kompanya sa RMT Industrial Complex na dagdagan ang mga hakbang sa kalusugan at kaligtasan upang maiwasan ang mga karagdagang impeksiyon.
Nakatakdang magsagawa ang City Health Office ng mass testing sa komunidad at paigtingin pa ang detection, isolation, at treatment strategies.
Magsisimula ang contact tracing sa mga kompanya sa loob ng complex.
Hiniling ng alkalde ang kooperasyon ng mga residente at kompanya mula sa apektadong komunidad at hinimok sila na obserbahan ang health protocols tulad ng madalas na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face masks, at physical distancing. (JAJA GARCIA)