MARAMING dapat ipaliwanag si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar sa pagtalaga sa isa niyang assistant secretary bilang hepe ng isang attached agency ng kagawaran na may P2-milyong unliquidated travel expenses.
Bago italaga ang isang government official sa ibang posisyon sa gobyerno ay kailangan niyang magsumite ng clearance mula sa pinanggalingan niyang opisina pero sa kaso ni Philippine Information Agency (PIA) Director General Ramon L. Cualoping, nanumpa na gagampanan ang bagong tungkulin kahit wala pa siyang “accomplished and signed Presidential Communications Operations Office (PCOO) clearance and Certificate of Last Salary Received.”
Nabatid sa confidential memorandum na iniimbestigahan ng tanggapan ni PCOO Undersecretary for Finance George Apacible si Cualoping bunsod ng COA Audit Observation Memorandum (AOM) No. 2019 – 05 na may petsang 04 Hunyo 2020 na kinuwestiyon ang P2,024,328.25 ginasta ng PIA chief noong siya’y assistant secretary at chief brand integrator ng PCOO.
Nag-ugat ang confidential memorandum sa kahilingan ni Cualoping sa PCOO para bigyan siya ng “accomplished and signed Presidential Communications Operations Office (PCOO) clearance and Certificate of Last Salary Received.”
Batay sa memo, kabilang sa mga isyung dapat sagutin ni Cualoping sa COA ang pagbili ng airline tickets na nagkakahalaga ng P1,472,543.52 sa buong taong 2019.
Ibinisto ng COA sa 2019 Annual Audit Report na halos lahat ng airline tickets ni Cualoping ay binili sa Consolidated Tours and Travel Inc. Ang nasabing travel agency ay hindi dumaan sa Bids and Awards Committee alinsunod sa batas.
“In spite of the numerous airline ticketing agents in the country, not to mention the service providers themselves, such as the Philippine Air Lines, Cebu Pacific, Air Asia, almost all the airfares were purchased from one supplier – The Consolidated Tours and Travel Inc., defeating the main objective of the Government Procurement Reform Act of obtaining the most advantageous price in all government procurement through competitive bidding or through alternative methods of procurement,” anang COA.
Sa Facebook page ng nasabing travel agency, matatagpuan ang tanggapan nito sa 378 Juan Luna St., Binondo, Manila.
Kasama rin sa kailangan ipaliwanag ni Cualoping ang reimbursements ng kanyang P130,658.04 travel expenses.
Nais din ng COA na isumite ni Cualoping ang supporting documents para sa ginugol niyang P395,481.78 mula sa Philippine Drug Enforcement Agency – Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (PDEA-ICAD) trust fund.
Inaasahang natapos ang investigation report ng PCOO sa dating assistant secretary noong Biyernes, 04 Septembre 2020 at isinumite kay Andanar, at may kopya rin para kay Undersecretary for Administration and Legal Affairs Marvin Gatpayat, at iba pang opisyal ng kagawaran.
Matatandaan naging kontrobersiyal si Cualoping nang tadtarin ng batikos ng netizens ang birthday message na inaprobahan niya para sa Official Gazette ng pamahalaan sa paggunita sa ika-99 taong kaarawan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 11 Setyembre 2016 na nagsaad na bumaba sa puwesto si Marcos upang maiwasan ang pagdanak ng dugo taliwas sa katotohanang pinatalsik siya ng EDSA People Power Revolution dahil sa pag-abuso sa kapangyarihan, korupsiyon, at paglabag sa karapatang pantao. (ROSE NOVENARIO)