PINAGPAPALIWANAG ng Palasyo ang Department of Budget and Management (DBM) sa pagkopo ng tatlong blacklisted companies ng P727-milyong halaga ng kontrata para sa personal protective equipment (PPE).
“Well, nabasa ko rin po iyan sa ating pahayagan ngayon, hindi ko pa po nahihingan ng panig ang ating PS-DBM, so hayaan ninyo munang mabigyan ako ng pagkakataon na makuha ang, kumbaga, eksplanasyon naman ng PS-DBM,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa virtual press briefing kahapon.
Batay sa ulat, ang tatlong kompanyang sinabing ‘blacklisted’ pero nakasungkit ng P727-M halaga ng kontrata para sa PPEs ay tinukoy na Ferjan Health Link Enterprises, Cebu Business Materials Trading Co. Inc., at Jozeth Trading.
Ayon kay Roque, kung talagang may paglabag sa batas ang naturang mga kontrata o kompanya ay matutukoy ito ng Commission on Audit (COA).
Ang mandato ng COA ay post-audit sa mga ginastang pondo ng mga ahensiya ng pamahalaan at nailalabas ang report matapos ang isang taon kaya ang ulat ng komisyon kung may iregularidad o wala sa transaksiyon ay posibleng sa kalagitnaan ng 2021 mababatid ng publiko.
“At sa aking tingin naman, kung talagang mayroong paglabag sa batas ay ipa-flag din po iyan ng Commission on Audit. But for now, I cannot comment po dahil I just read about it in the papers myself. Hayaan ninyo po, makikipag-ugnayan tayo kay Secretary Avisado,” dagdag ni Roque.
Kaugnay nito, isiniwalat ni dating Sen. Antonio Trillanes na dalawang malalapit kay Pangulong Rodrigo Duterte ang nasa likod ng P727-M kontrata ng PPEs.
Hindi pinangalanan ng dating senador ang mga sinabing kaalyado ng Pangulo na sangkot sa usapin.
“This is the smoking gun of corruption that would link 2 very powerful figures close to duterte,” ayon sa tweet ni Trillanes kahapon.
“Ang lupit n’yo, pati PPEs pinagkakakitaan ninyo!” aniya. (ROSE NOVENARIO)