HALOS dalawang taon na lang ang natitira sa kanyang termino ay hindi pa rin maarok ni Pangulong Rodrigo Duterte kung paano tutuldukan ang terorismo.
Ibinunyag ito ni Pangulong Duterte sa kanyang pagbisita sa Jolo, Sulu kamakalawa ng hapon.
Inihayag ng Pangulo na tuliro pa rin siya kung paano lulutasin ang problema sa terorismo at insurgency sa bansa.
“May dalawang taon pa ako, ewan ko kung ano ang magawa ko talaga. But you know when you go into a [fight], may galit na ‘yan. Mahirap ito areglohin kasi lahat may sugat na sa puso. And it would take more than a generation to do this,” sabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa harap ng mga sundalo sa Jolo.
“I hope that anyone of my children would become a politician maski barangay captain lang that he’d be able also to do something about this problem of the Moro and the Christians,” dagdag niya.
Hinimok niya ang mga sundalo na mag-isip tungkol sa kapayapaan kahit nagsusulong ng digmaan laban sa mga kaaway ng estado.
“Sa pagka ngayon, hindi ko mapigil ang mga sundalo ko kasi may mission sila and the mission is to crush the insurgents. And the insurgents, ang mission nila is for the greater glory of Allah,” wika niya.
Mas higit aniyang kailangan ng bansa ngayon ang mga sundalo upang matiyak na hindi magtatagumpay ang karahasan ng mga terorista.
Nakiramay rin ang Pangulo sa mga naulilang pamilya ng 15 namatay sa kambal na pagsabog. (ROSE NOVENARIO)