NAGBIGAY ng full military honor at 21-gun salute ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Army (PA), at Philippine Navy (PN) sa mga yumaong sundalo.
Dumating si AFP Chief of Staff. Lt. General Gilbert Gapay sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.
Bandang 8:00 am, pinangunahan ni General Gapay bilang kinatawan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggunita sa National Heroes Day sa bansa na may temang “Tunay na Kabayanihan sa Paglaban at Pagbangon” bilang pagkilala sa kabayanihan ng mga sundalong nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng bansa.
Kasama ang mga opisyal ng National Historical Commission (NHC) at Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) sa pag-aalay ng bulaklak sa puntod ng “Unknown Soldiers” sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Bilang pag-iingat sa CoVid-19 walang dumating na mga opisyal ng pamahalaan, mga beteranong sundalo at mga estudyanteng nakagawiang makilahok sa paggunita ng National Heroes Day nitong 31 Agosto. (JAJA GARCIA)