ni ROSE NOVENARIO
TINABLA ng Board of Directors ng state-run Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13) ang ipinangakong P3,000 umento sa sahod ng mga manggagawa ng management.
Nabatid sa liham ng IBC Employees Union (IBCEU) kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Biyernes, 28 Agosto, na ikinatuwiran ng BOD sa pagbasura sa hirit nilang P3,000 wage hike, na tanging Pangulo ng Filipinas ang puwedeng magbigay ng go signal sa umento sa sahod ng government-owned and controlled corporation (GOCC) gaya ng IBC-13.
“The management and the Union verbally agreed on the implementation of the 3,000 pesos monthly basic pay increase starting September 2020 or equivalent to 100 pesos a day. But during the board of directors meeting yesterday August 26, 2020, the agreed 3,000 pesos wage increase by the management and the union was disapproved,” sabi ni Alberto Liboon, pangulo ng IBCEU, sa liham kay Pangulong Duterte.
“Hence, we are asking for your help as it needs presidential approval as stated by the board of directors,” dagdag niya.
Kabilang sa board of directors ng IBC-13 ay sina Katherine De Castro, Jose B. Avellana, Jr., Chairman; Jose Rafael S. Hernandez; Jaime P. Alanis; Mr. Alexander L. Bangsoy at Mr. Arturo M. Alejandrino.
Maliban kay De Castro ang naturang board of directors ang nagbigay ng pahintulot sa pag-amyenda sa joint venture agreement ng IBC-13 at R-II Builders noong 2016.
Ang inamyendahang JVA ay nagresulta sa pagkawala sa pagmamay-ari ng state-run network ng 36,301 square meters na lupain sa Broadcast City at napunta sa R-II Builders.
Walang ginawa ang Board of Directors ng IBC-13 at maging si De Castro nang maupong President at CEO nito para bawiin ang lupain ng state-run network sa R-II Builders.
Hinihintay rin ng IBCEU ang katuparan ng pangako sa kanila ni Sen. Christopher “Bong” Go na iimbestigahan ng Office of the President at Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang mga iregularidad sa IBC-13.
Walang kibo si PCOO Secretary Martin Andanar sa hinagpis ng mga obrero ng IBC-13.
“Masyadong busy si Secretary Andanar. Mula nang maupo sa PCOO noong 2016, ni minsan ay hindi sumilip man lang sa IBC-13. Ilang beses nakipag-dayalogo pero ang mga pangako ay napako, “ hinagpis ng ilang manggagawa.