NATUHOG sa balikat ang isang ginang na walong-buwang buntis nang bumagsak ang isang bakal sa ginagawang gusali ng paaralan sa Pasay City, kamakalawa ng hapon.
Nasa Philippine General Hospital (PGH) ang biktima na kinilalang si Angela Iman Crirence, residente sa Comandante Street, Park Avenue, Barangay 88, Zone 1, Pasay City, para isailalim sa operasyon sanhi ng matinding sugat sa kanang balikat.
Kinilala ng Pasay city police ang suspek na si Hermes Gacer, 22 anyos, construction worker ng Saint Timothy Construction Company, stay-in sa barracks ng Jose Rizal Elementary School.
Sa ulat ng Southern Police District (SPD) mula kina P/CMSgt. John Vernal Barazza at P/Cpl. Alfred Pangilinan, imbestigador, ang insidente sa construction site ng Jose Elementary School na matatagpuan sa Comandante Garcia St., Park Ave., Barangay 88, Zone 1, sa nasabing lungsod, ay naganap dakong 1:00 pm.
Sa inisyal na imbestigasyon, kasalukuyang naghihinang ng bakal ang suspek sa roof top ng gusali nang dumulas ang pagkakawak nito sa 10 mm steel bar na anim na metro ang haba saka bumagsak bago tumarak sa balikat ng biktima na noon ay nakaupo sa loob ng electric bike.
Agad nagresponde ang Pasay rescue team saka dinala ang sugatang biktima sa pagamutan, kung saan nakatakda siyang sumailalim sa surgical procedure.
Sumuko sa pulisya ang suspek na posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in serious physical injury.
(JAJA GARCIA)