IKINOKONSIDERA ng Quezon City Police District (QCPD) na lutas na ang kasong pagpaslang kay dating National Center for Mental Health (NCMH) Director Roland Cortez at kanyang driver na si Ernesto Dela Cruz, noong 27 Hunyo sa Brgyrangay Culiat, Quezon City.
Ayon kay QCPD Director, P/BGen. Ronnie Montejo, maikokonsiderang lutas na ang krimen makaraang matukoy ang pitong suspek na kinabibilangang ng isang mataas na opisyal ng NCMH ang nasa likod ng pananambang sa dalawang biktima.
Ani Montejo, kanilang sinampahan sa Quezon City Prosecutor’s Office ng dalawang kaso ng murder ang mga suspek na sina Clarita Avila, Chief Administrative Support Service ng NCMH; Harly Pagarian at George Serrano; Sonny Mitra Sandicho, Edison Riego, Maria Christina Dela Cruz, at Albert Eugenio alyas Robert Eugenio.
Ayon sa opisyal, ang pagsasampa ng mga kaso ay base sa mga nakalap na ebidensiya ng mga imbestigador mula sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) na pinamumunuan ni P/Maj. Elmer Monsalve.
Sinabi ni Monsalve, ang laban ng biktima kontra sa korupsiyon sa nasabing institusyon ang posibleng motibo sa pagpatay.
Nabatid na nagpapatupad ng mga reporma si Cortez sa NCMH, na nagresulta upang maimbestigahan ito ng National Bureau of Investigation (NBI), at masampahan ng kaso ang suspek na si Avila.
“Dahil doon sa reform na ‘yun may nakita siyang mga iregularidad at doon na na-exposed ‘yung mga anomaly sa loob ng NCMH,” ani Monsalve sa isang press briefing.
Sinabi ni Montejo, ngayong kinasuhan na ang mga suspek ay ikinokonsidera na nilang naresolba na ang krimen.
Samantala, ang mga suspek naman ay pawang nakalalaya pa at inaasahang mabibigyan ng pagkakataon na ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa hukuman. (ALMAR DANGUILAN)