NANAWAGAN si Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo na huwag gatungan ang galit ng tao sa panahon ng pandemya.
Sa kanyang televised public address kahapon, sinabi ng Pangulo na walang mabilis na solusyon sa mga problema ng bansa kahit mamatay pa siya kinabukasan kaya hindi dapat ginagatungan ni Robredo ang sambayanan na nahihirapan sa panahon ng pandemya dulot ng CoVid-19.
Ang pahayag ay ginawa ng Pangulo kasunod ng televised statement din ni Robredo kamakalawa na nagbigay ng mga suhestiyon kung paano makababangon ang ekonomiya ng Filipinas sa kinakaharap na public health emergency.
“At ito namang kay Leni, that in her ending statement said that kung hindi ko raw gawain, ng gobyerno, gagawain ng tao. Well, sa panahon itong pandemic medyo desperado ang mga tao tapos dagdagan ninyo na mga ganoon na wala naman kayong base, sana may ipakita kayo,” ayon kay Pangulong Duterte.
Anang Pangulo, hindi dapat sirain ni Robredo ang gobyerno dahil ang taong bayan din ang masisira, at kahit mamatay siya kinabukasan ay hindi pa rin matutuldukan ang mga problema ng Filipinas.
“Please do not add fuel to the fire. You will just destroy government. Huwag ninyong sirain ang gobyerno kasi masisira ang tao. ‘Pag nasisira ang gobyerno, lulutang tayo lahat. Maski na sabihin pa ninyo mamatay ako bukas, it cannot solve the problem of the country,” dagdag ng Pangulo.
Ayon kay Robredo, ang taong bayan ang gagawa ng paraan upang maigpawan ang CoVid-19 pandemic. (ROSE NOVENARIO)