KINOMPIRMA ng Palasyo na anim na regional officers ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang naghain ng leave of absence.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ang anim na opisyal ng PhilHealth ay hindi ang tinukoy na “mafia” ni Senator Panfilo Lacson bagkus sila’y tinawag pang ‘heroes’ ni PhilHealth board member Alejandro Cabading sa kanyang testimonya sa Senado.
Ani Roque, nagpasyang magbakasyon ang anim bilang pagtalima sa panawagan ni Justice Secretary Menardo Guevarra na mag-leave ang lahat ng nabanggit sa isinagawang imbestigasyon sa PhilHealth.
“We consider this as the right and proper thing to do,” ani Roque.
Muling nanawagan ang Palasyo sa lahat ng opisyal ng PhilHealth na kasama sa pagsisiyasat ng Senado at Kamara lalo ang mga miyembro ng Executive Committee na mag-leave din gaya ng anim na regional officers.
Batay sa ulat, ang anim na regional vice presidents — Paolo Johann Perez (Mimaropa), Valerie Anne Hollero (Western Visayas), Datu Masiding Alonto, Jr., (Northern Mindanao), Khaliquzzman Macabato (Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao), Dennis Adre, at William Chavez — ay nagpaalam na iiwan muna nila ang kani-kanilag posisyon simula 17 Agosto 2020.
(ROSE NOVENARIO)