PINALAGAN ni Willie Revillame ang report ni Pia Ranada ng Rappler, ang salitang ‘hijack’ sa ginanap na press briefing ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Biyernes, Agosto 7 sa Wil Tower. Simula noong Agosto 3 ay ito ang pansamantalang venue dahil nag-positibo kasi sa Covid-19 ang ilang empleado ng ng RTVM at PTV4.
“Wala po silang studio na magagamit, so noong tinawagan niya (Harry) ako, right there and then, pumunta na po ako sa Wil Tower. Ako na ho ang nag-asikaso, at ‘yan po ang studio na ginagamit ni Secretary Harry Roque magmula last Monday. Ginawan ko po ‘yan ng paraan,” pahayag ni Willie.
Anyway, ang hindi nagustuhan ni Willie ay ang titulo ng report ni Pia na, “Willie Revillame hijacks Roque press briefing to promote charity, GMA7 show.”
Bahagi pa sa report nito ang, “Revillame vows to give jeepney drivers P5 million and plugs in his show Wowowin during a government press briefing.”
Klinaro ng Wowowin host nitong Lunes, Agosto 10 sa segment na Tutok To Win ang sinabing ‘hijack’ ni Pia ay mali.
“Ang alam ko sa hijack, may hino-hostage ka, may dala kang armas at nangha-hijack ka. Ang ibig ko hong sabihin, hindi ho maganda ‘yung pagkasulat. Hinijack ko raw ‘yung programang ‘yon. I was invited by the secretary, binigyan ako ng pagkakataon.
“Sana ho, Miss Pia Ranada wala akong pinasisikat at hindi ko kailangan gawin ‘yon. Alam mo bakit? Ang mga bida sa programang ito, ‘yung mga nangangailangan.
“Sana sa pagsulat mo, alamin mo muna kung ano ang istorya. Kaya nga sinasabihan kayo na fake news kayo, hindi totoo ang sinasabi mo.
“Never akong mangha-hijack. Kung pala ang hijack ay kabutihan, eh, ‘di mang-hijack na lang tayo, kung magbibigay ang hijacker ng five million,” paliwanag mabuti ng TV host.
At kaya siya biglang sumipot sa press briefing ay dahil imbitado siya na pinagbigyan na niya dahil sa unang imbitasyon ay tumanggi na siya.
“Sabi ko, ‘Sir, hindi ho appropriate dahil hindi naman ako politiko and, also, I have my own show,” say ni Willie.
Kaya naman siya pumayag na, “Noong last Friday po, August 7, sabi niya, ‘Baka huling araw na namin sa studio. Puwede bang lumabas ka lang para lang mapasalamatan kita nang personal?’
“Kaya ho noong lumabas ako, nagbuhat pa ako ng bangko, binuhat ko talaga nang literal na bangko to lighten up the situation,” paliwanag pa.
Sa pagpapatuloy pa, “Eh, parang napasama pa ho ako sa iba. Na parang nagbuhat ako ng bangko ko, parang nagyabang pa ako?
“Hindi ko ho maintindihan bakit may ganyang klase ng mga tao. Huwag niyo ho akong sabihan na, ‘Huwag mong ibigay sa DSWD, huwag mong ibigay sa LTFRB.’
“Kanino ko ho ibibigay ‘yan? Hindi ho ako puwedeng pumunta sa mga jeepney driver, una may batas, may COVID, ‘di ba?
“Paano ko ibibigay, magkakagulo po ‘yan. Baka mapasama pa, mahuli pa ako.
“Kailangan po sa kinauukulan kaya ho ibinigay ko kay Spokesperson Secretary Harry Roque ‘yung P5-M.”
Hindi rin pinalampas ni Ranada ang pagsita sa kanya ni Willie dahil kinagabihan ay nag-post siya sa kanyang Twitter account.
“Hi Willie Revillame! Ito po ang ilang mga ibang depinisyon ng ‘hijack’ kung sakaling inaakusahan mo ako ng fake news dahil ang intindi mo sa ‘hijack’ ay pagnakaw ng sasakyan.”
Hijack—to take control of something, such as another person’s plan, a system, or a meeting for your own advantage.
May binulugan pang kahulugan si Pia ng hijack, ito ay ang: To take control of (something) without permission or authorization and use if for one’s own purposes; To steal or appropriate foroneself.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan