KAPANGALAN ni dating mayor ng Pasay (SLN) ang damuhong si Pewee, alyas lang ito ng isang taga-Barangay 39 ng lungsod ng Pasay. Si Pewee ay caretaker lamang ng ilang paupahan sa nasabing barangay na pinamumunuan ni Kapitana Eva Recasio.
Ayon sa aking mga bubwit, itong si alyas Pewee ay utak ng paglalagay ng jumper sa nasabing barangay, bawat tenant ay nagbabayad sa kanya ng P500. Sa gabi ikinakabit ang jumper ng koryente, na karamihan sa mga tenants ay gumagamit ng aircon. Matagal nang raket ito ni alyas Peewe na ‘di ko batid kung ito ay kinokonsinti ni Kapitana o may ilang kasabwat sa tanggapan ng Meralco sa lungsod ng Pasay. Labis kasing nakapagtataka kung bakit patuloy ang operasyon ni Pewee at bulag ang barangay pati ang Meralco.
Patunay lamang ito ng pagnanakaw ng koryente habang ang sambayanan ay naghihirap sa pagbabayad ng kanilang electric bill. Higit na nakapagtataka ay bakit bulag at bingi ang mga namumuno at opisyales ng Barangay 39 samantala ang ating bubwit ay naamoy ang nasabing pagnanakaw ng koryente?
Kapitana Eva Recasio, ngayon mo patunayan na wala kang alam dito! Ang impormasyon kong ito ay bagay na dapat aksiyonan dahil baka mas malalang problema gaya ng sunog ang maging resulta. Bukas ang pahayagang ito Kapitana Recasio para sa iyong panig, gusto mo bang ituro ko pa sa iyo kung saan ikinakabit? Pero trabaho n’yo ‘yan. Pasama ka sa taga-Meralco total sinabi ko na kung sino ang utak!
Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata