KARUGTONG pa rin ito sa napanood naming Q&A live tsikahan nina Cathy Garcia Molina, Mae Cruz-Alviar, Antoinette Jadaone, Irene Villamor, at Sigrid Bernardo sa YouTube channel na Nickl Entertainment tungkol sa mga personal nilang buhay.
Ang isa sa mga tanong sa mga direktora ay, “what is the dumbest way you have been injured?”
Ayon kay direk Tonette, “wala po akong maisip (ngayon) pero at the top of my mind is nasugatan ako sa kamay kasi isinaro ko ‘yung pintuan ng service tapos nandoon pa ‘yung kamay ko, tanga rin, eh (sabay tawa), nangyari po ‘yun sa Greece, magkasama kami ni Irene noon. Dito may medic kaagad ‘pag ganoon, doon wala, tapos hindi pa magaling mag- English ‘yung (guide) kaya sinarili ko na lang.”
“Ako naman po noong bata ako at walang hot water sa probinsiya at hindi ko kayang maligo ng walang hot water. Ibinuhos ko ‘yung tubig na bagong kulo tapos isinabay ko ‘yung pagkanaw (kabilang kamay) kung maligamgam na ba. Hayun ‘yung buong braso ko noong bata lapnos tapos ang solusyon din naman ng nanay ko na isa’t kalahati rin ay lagyan namin ng Colgate, kaya pagdating namin sa hospital napakamot ng ulo ‘yung doktor kasi maraming colgate ang braso ko. Actually marami akong katangahan lagi akong nadadapa,” natatawang kuwento naman ni direk Irene.
Panay naman ang sabi ng, “ako rin (laging nadadapa),” ni direk Mae. “Super accident prone at hindi ko malaman kung saan ako magsisimula, nahulog ako sa hangdan ng Café Adriatico kasi nagkukuwento ako ng naka-wedge heel, nag-drive sa baha, muntik malunod, tapos ‘yung pusa na ginanu’n (nilaro) ko sa tubig tapos kinalmot ako nagulat ako kaya naibato ko, many to mention. Bata pa ako noon ha.”
“Ako naman napilay kasi nalasing ako, hindi ko matandaan anong nangyari parang bumagsak ako, akala ko natapilok lang ako, ‘yun pala bali ‘yung buto ko then the next day naka-wheel chair na ako, anim na buwan akong pilay at iyon naman ‘yung time na nasulat ko ‘yung ‘Kita Kita.’ So, kailangan pang mabali ang paa ko para masulat ko ‘yung ‘Kita Kita,’” natatawang kuwento ni direk Sigrid.
At si direk Cathy, “wala naman akong injury dahil sa kasyongahan. Noong bata ako natatandaan ko naka-duster ako at naglalaro kami ng taguan ng mga pinsan ko at mga kalaro, eh, makikita ako kaya tumalon ako, pagtalon ko, tumaas ‘yung duster ko kaya hayun, nakita lahat, tinukso nila akong parachute kasi tumaas (sabay muwestra). Hindi naman injury kundi kahihiyan lang talaga.”
Sa mga gustong mapanood ng ibang rebelasyon ng mga sikat na director, maaari kayong mag-subscribe sa Nickl Entertainment YouTube.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan