KUNG tumaas ang inyong kilay matapos mabalitaan ang babaeng nagpa-rebond ng kanyang buhok makaraang tumanggap ng ayuda mula sa gobyerno sa gitna ng pandemyang coronavirus, basahin n’yo ang kuwento ni David Hines.
Makaraang tumanggap ng US$4 milyon sa COVID-19 relief loans mula sa federal government, isa sa unang binili ni Hines ay isang super-luxury na Lamborghini Huracan Evo — na dapat sana’y nakalaan ang malaking halaga para pantulong sa sinasabing pagkalugi ng negosyo niya sa South Florida.
At hindi na rin kailangang banggitin na ang Italian-made sports car — na binili ni Hines noong Mayo sa halagang US$318,497 — ay hindi kabilang sa listahan ng mga permissible expense sa ilalim ng Small Business Administration (SBA) loan program na ang layunin ay maprotektahan ang mga empleyado at punan ang ibang mga lehitimong gastusin tulad ng renta habang nasa pandemya.
Agad inaresto si Hines, ngunit matapos na rin magasta ang libo-libong dolyar sa mga dating website, alahas at damit, kasabay ang pagtira sa mga high-end hotel tulad ng Fontainebleau at Setai sa Miami Beach.
Inaprobahan ang Payroll Protection Program (PPP) ng SBA na umaabot sa US$650 bilyon bilang bahagi ng Coronavirus Aid, Relief, and Economic Security (CARES) Act matapos tumama ang coronavirus outbreak sa Estados Unidos noong buwan ng Marso, ngunit nagsimula nang maglitawan ang mga kaso ng panloloko tulad ng kay Hines sa South Florida at iba pang bahagi ng bansa.
Ibinibigay ang PPP loans ng pamahalaan kung gagamitin sa lehitimong negosyo, at plano ng US Congress ang isa pang major SBA loan infusion habang patuloy na nakaaapekto sa ekonomiya ang pandemya.
Natimbog ang Lamborghini ni Hines matapos masangkot sa isang hit-and-run accident nitong 11 Hulyo 2020.
Agad na ipina-impound ang sasakyan ng Miami police at ngayon ay planong kompiskahin ng korte.
(Halaw ni TRACY CABRERA)