NAGDULOT ng demoralisasyon sa hanay ng mayorya ng matitinong opisyal at kawani ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang paglutang muli ng isyu ng korupsiyon sa korporasyon.
“The endless accusations have brought about massive demoralization of the silent majority of honest and dedicated public servants,” ayon sa kalatas ng PhilHealth-Workers for Hope, Integrity, Transparency and Empowerment (PhilHealth-WHITE), ang kinatawan ng mahigit 7,000 rank-and-file employees sa PhilHealth.
Ikinalugod ng naturang labor organization ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte at mga resolusyong inihain sa Kamara at Senado para sa malalimang pagsisiyasat sa PhilHealth at mga opisyal at kawani nitong may pananagutan sa napaulat na katiwalian sa ahensiya.
Nanawagan ang PhilHealth – WHITE sa mabilis na pagresolba sa lahat ng graft-related cases na nakasampa sa iba’t ibang hukuman at quasi-judicial bodies laban sa ilang PhilHealth officers.
“May those guilty of corruption and incompetence, be identified and held liable so that the rest of PhilHealth employees who have remained honest and dedicated to public service may again be inspired to work with full dedications knowing that the institution they are serving exist in a culture and environment of transparency, good faith and fairness to all civil servants,” dagdag ng unyon.
Hinimok ng PhilHealth-WHITE ang publiko na bigyang proteksiyon at pangalagaan ang marangal na mandato ng Universal Health Care at hayaang maigawad ang hustisya para sa kabutihan ng sambayanang Filipino.
Inakusahan kahapon si Ricardo Morales, PhilHealth president and CEO, na naging “coddler” ng isang sindikato sa PhilHealth nang pahintulutan ang irregular disbursement ng P30-bilyong para sa COVID-19 pandemic.
Ang bintang ay isiniwalat ng nagbitiw na anti-fraud officer ng ahensiya na si Atty. Thorrsson Montes Keith.
Si Keith ay nagbitiw sa ahensiya kamakailan dahil hindi na umano niya masikmura ang mga katiwalian sa ahensiya. (ROSE NOVENARIO)