ni Rose Novenario
NAGING pamoso ang Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13) television station noong dekada ‘70 hanggang ‘80 habang pagmamay-ri ng negosyanteng si Roberto Benedicto, crony ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Sinekwester ng gobyerno ang IBC-13 matapos pabagsakin ng EDSA People Power 1 ang diktadurang Marcos at maluklok sa poder si Corazon Aquino noong 1986.
Sumikat noon ang IBC-13 dahil sa mga programang Iskul Bukol, T.O.D.A.S. (o Television’s Outrageously Delightful All-Star Show), Chicks to Chicks, at See-True.
Naging paborito rin ng mga bata ang mga programa nitong Japanese metal heroes series Shaider, Mask Rider Black at Machineman; sentai o superhero team shows Bioman at Maskman; naging parokyano rin ang mga kabataan ng anime programs nito gaya ng Voltes V, Daimos, Ghost Fighter at Dragon Ball.
Natunghayan sa IBC-13 ang mga laro ng PBA at iba pang sports shows, at entertainment program tulad ng Star for a Night at ang Philippine franchise ng British game shows na Who Wants to Be a Millionaire? at The Weakest Link.
Sa kabila ng mataas na ratings ng mga programa ng IBC-13 ay mistulang unti-unting inihulog ito sa bangin hanggang sumapit sa kasalukuyang sitwasyon, naghihingalo at tila naging iskuwater sa sariling lupain.
Naging tambak ang utang ng management sa mga kawani sa aktibong serbisyo at mga retirado na sa ngayo’y umabot sa daan-daang milyong piso.
Lumipas ang termino ng limang presidente ng Filipinas at halos patapos na ang ikaanim mula nang ma-sequester ng gobyerno ang IBC-13, pero imbes umunlad, naglaho ang ningning at naging kulelat ang state-run network sa broadcast industry.
Sa ngayon ay nagsasagawa ng operasyon ng IBC-13 nang walang business permit sa Quezon City government, may garnishment order ang Bureau of Internal Revenue (BIR), walang account sa alinmang Authorized Government Depository Bank (AGDB), baon sa utang sa mga manggagawa at lokal na pamahalaan.
Puwede na itong ituring na fly- by- night kung walang prankisa. (MAY KASUNOD)