INAMIN ni Pangulong Duterte na inutil siya sa isyu ng South China Sea dahil kapos sa kakayahan ang Filipinas na makipagdigma sa China.
“We have to go to war and I cannot afford it. Maybe some other president can but I cannot. Inutil ako riyan. I cannot…the moment I send my marines there at the coastal shores of Palawan, tinamaan ng cruise missile lahat ‘yan, hindi pa nga naka-set sail ‘yan e sabog na,” aniya.
Noon pang Abril 2017 ay mistulang isinuko na ni Pangulong Duterte ang West Philippine Sea sa China base sa argumento kaya South China Sea ang pangalan nito dahil base sa kasaysayan ay bahagi ito ng China, at ngayon na lang sa henerasyong ito nagpasya hinggil sa entitlement sa erya base sa exclusive economic zone (EEZ).
Hanggang hindi handa ang Filipinas na kumasa sa gera hindi igigiit ng bansa ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA ) na sakop ng 200-mile EEZ ng bansa ang Panatag Shoal.
Para kay Duterte, “might is right,” ang China ang may kapabilidad sa aspektong militar at ang arbitral ruling ay hinggil sa militar na kapabilidad ng China, “simply entitlement, not jurisdiction or territorial.”
Naniniwala ang Pangulo na ang pinakamainam na paraan ng paglutas sa usapin sa SCS ay patuloy na pakikipag-usap sa China. (ROSE NOVENARIO)