IKINAGALAK ni National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr., ang pagkakadakip ng mga awtoridad sa sinabing berdugo ng New People’s Army (NPA) sa pagpurga sa kanilang hanay noong dekada ‘80.
Sa kalatas ay tinukoy ang naarestong rebeldeng komunista na si Felomino Salazar, Jr., dahil sa kasong 15 bilang ng kasong murder, bunsod ng papel niya bilang ‘berdugo’ ng NPA Southern Leyte Front sa madugong “Oplan Venereal Disease.”
Si Salazar umano ang nagsilbing tagaturo, dumakip, nag-imbestiga at pumatay sa mga pinaghihinalaang impormante ng military sa hanay ng NPA.
“It will be recalled that during the 1980s, the NPA, alarmed over a series of defeats and defections, initiated an internal purge of its organization to eliminate suspected pro government ‘deep penetration agents’ within their ranks. The NPA subsequently launched its bloody internal cleansing under several campaign names, among them “Operation Cadena de Amor” for Luzon, “Operation Zombie” for the Bicol region, “Operation Olympia” for Manila-Rizal, “Kampanyang Ahos” for Mindanao, and “Oplan Missing Link” for Southern Tagalog. It has been estimated that during this brutal cleansing during the 80s, more than 9,000 cadres and civilian sympathizers were inhumanely eliminated by their own comrades in the NPA,” pahayag sa kalatas.
Matatandaan noong 2006 ay natuklasan ng militar ang umano’y mass grave sa Inopacan, Southern Leyte na pinaglibingan ng may 67 bangkay ng mga dating miyembro ng NPA na nilikida sa hinalang sila’y mga ahente ng militar.
Kasama ni Salazar na kinasuhan ng 15 counts ng murder ang mga lider ng kilusang komunista na sina Jose Ma. Sison, Luis Jalandoni, Rodolfo Salas, Leo Velasco, Jose Luneta, Prudencio Calubid, at 31 pang opisyal ng Communist Party of the Philippines (CPP) .
Nauna nang nasakote ng militar noong Pebrero 2020 si Rodolfo Salas alyas Kumander Bilog, umano’y dating CPP chairman at kumander ng NPA at namuno sa communist rebellion noong dekada ‘80 at pangunahin umanong responsable sa paglulunsad ng mga pagpupurga sa kilusang komunista nang mga panahong iyon. (ROSE NOVENARIO)