SA PAGLOBO ng mga napositibo sa coronavirus disease (COVID-19) halos mapuno ang lahat ng isolation facilities at city-run hospital ng Parañaque City na posibleng hindi na kaya pang makapag-accomodate sa mga susunod na araw.
Ayon kay Dr. Jefferson Pagsisihan, Director ng Ospital ng Parañaque, nasa 88.43 % o 262 maximum bed capacity na 349 ang okupado ng COVID-19 patients hanggang nitong 21 Hulyo.
Lalong nagpalaki ng bilang ang mandatory isolation ng mga indibidwal na nagpositibo kahit mild o asymptomatic lamang, simula nang iutos ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez sa mga hepe ng health facilities na sundin ang ipinaiiral na protocols ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Gayonman, ‘still manageable’ umano ang sitwasyon kahit inaasahang lolobo pa ang bilang ng mga kaso dahil sa paglawak ng isinasagawang testing ng lokal na pamahalaan.
Inamin ng alkalde, malaking sakit ng ulo ang mga residente sa slum areas na hindi sumusunod sa health protocols kahit sagad sa paalala ang lokal na pamahalaan.
Sa naitala hanggang 21 Hulyo 2020, nasa 2,134 confirmed coronavirus cases, kabilang ang 891 active cases at 77 deaths at 54.6 % ang recoveries na nasa 1,166, ang pinakamataas sa buong Metro Manila.
Nakapagtala ng pinakamataas na 86 bagong kaso nitong nakalipas na Lunes sa lungsod.
Ang isolation facility sa San Agustin Elementary School sa Barangay Moonwalk, na may 18 maximum bed capacity ay nasa 21 pasyente na.
Nasa 76 ang okupado mula sa 90 maximum bed capacity ng Parañaque City College.
Umabot naman sa 80% ang okupado sa isolation facilities sa Baclaran Elementary School at San Martin de Porres Elementary School.
Ang 69 beds sa San Antonio National High School isolation facility ay 73.91% okupado.
Maraming pasyente ang mas piniling sa pribadong ospital sa labas ng lungsod magpunta habang ang ilang mild cases ay sa bahay na may kapasidad mag-isolate para sa quarantine. (JAJA GARCIA)