NADAKIP ang isang lalaki na sinabing ‘tulak’ ng ilegal na droga kabilang ang dalawang menor de edad sa buy bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Quezon City Police District, Southern Police District, at Parañaque Police na nakakompiska ng mahigit P1.3 milyong halaga ng shabu, sa Barangay Baclaran, Parañaque City, nitong Martes ng hapon.
Ang tatlo ay isinailalim sa inquest proceedings sa Parañaque Prosecutor’s Office sa paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) Section 5 (drug pushing) na sina Mack Kadil, 34 anyos, tubong Cotabato City, residente sa Barangay Commonwealth, Quezon City; dalawang menor de edad, pawang 17 anyos, na taga-Las Piñas at Cavite City.
Bukod sa paglabag sa Section 5, may paglabag dins a Section 11 ng RA 9165 ang inihaing reklamo laban kay Kadil na natukoy sa pakikipagtransaksiyon sa police poseur-buyer.
Base sa ulat na isinumite sa tanggapan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, P/Major General Debold Sinas, dakong 12:30 pm nitong Martes, 21 Hulyo, nang maganap ang buy bust sa harapan ng Domino’s Pizza, sa Boulevard St., Panulukan ng Opena St., Barangay Baclaran, Parañaque.
Nagsimula ang intelligence information sa QCPD kaugnay sa ilegal na aktibidad ng mga suspek hanggang magpositibo ang mga impormasyon kaya nakipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-NCR), SPD at Parañaque Police na nagtulungang ikasa ang buy bust operation.
Nakompiska ang kabuuang 200 gramo ng shabu na nasa P1,360,000 halaga base sa Dangerous Drugs Board (DDB), buy bust money, analogue cellphone, isang iPhone cellphone at isang maliit na kahon.
“Our momentum in the conduct of operations against illegal drugs indeed proves that despite the stringent call of duty in the frontlines amid this pandemic, NCPRO will not lax in its fight against this dangerous substance to ensure the safety of the people of Metro Manila,” papuri ni Sinas sa mga operatiba. (JAJA GARCIA)