NAARESTO ng mga ahente ng Phlippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tatlong big time drug dealer na kinabibilangan ng dalawang Chinesse national at isang Pinoy sa isinagawang buy bust operation kahapon ng hapon sa Quezon City.
Kinilala ni PDEA Director General Wilkins Villanueva ang mga nadakip na sina Yao Yuan, Piao Hong, kapwa Chinese national, at Israel Ambulo.
Sa inisyal na ulat, dakong 1:30 pm nang madakip ang tatlo ng PDEA-National Capital Region sa parking lot ng Quezon City Circle na matatagpuan sa Elliptical Road.
Isang ahente ng PDEA ang nagpanggap na bumili ng isang kilong shabu. Nang magkaabutan ay dinamba ang tatlo.
Nang siyasatin ang itim na travelling bag ng mga suspek sa kanilang sasakyan, natuklasan ang 19 kilong shabu na may market value na P136 milyon.
Nakuha mula sa mga suspek ang buy bust money, Nissan Cefiro, may plakang TAW 576, at ilang cellphones na ginagamit sa pagbebenta ng shabu.
Nakapiit na ang mga suspek sa PDEA detention cell habang inihahanda ang mga kasong kanilang kakaharapin. (ALMAR DANGUILAN)