NANAWAGAN si Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliament member Zia Alonto Adiong kay Pangulong Rodrigo Duterte na magtalaga ng kinatawan ng Bangsamoro sa bubuuing Anti-Terrorism Council (ATC) na magpapatupad ng Anti-Terrorism Act (ATA).
Dapat aniya ay may kinatawan ang BARMM sa ATC para maipaliwanag ang konteksto ng terrorism on the ground.
Sabi ni Adiong, hindi kinonsulta ang BARMM nang binabalangkas pa lamang ang Anti-Terror Bill.
Naniniwala si Adiong na ang mga pamantayan kontra-terorismo sa Filipinas ay dapat hindi lamang tungkol sa pagpapalakas ng law enforcement kundi makakuha rin ng suporta ng pamayanan sa pamamagitan ng proseso ng “social healing.”
“Ultimately, when you talk about Anti-Terrorism measures in the Philippine setting it should not only be about strengthening law enforcement but to gain community support through the process of social healing, “ani Adiong sa kanyang Twitter.
Isang araw bago nilagdaan ni Pangulong Duterte ang ATA noong Biyernes ay inaprobahan ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang BTA Resolution No. 77, na umapela kay Pangulong Duterte na i-veto ang Anti-Terrorism Bill upang marepaso ng Kongreso at tugunan ang ilang kontrobersiyal na probisyon sa panukalang batas.
Ngunit nang lagdaan ni Pangulong Duterte bilang batas ay inihayag ni Bangsamoro Chief Minister Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim na iginagalng ng BARMM ang naging hakbang ng Punong Ehekutibo pero mas mainam kung magkakaroon ng kinatawan ang Bangsamoro sa ATC.
“The BARMM is open to engage the National Government on preparedness against this vicious phenomenon, as we collectively explore new potential approaches to holistically protect our people from the menace of terrorism. This engagement can start with the Bangsamoro having representation in the Anti-Terrorism Council,” aniya sa isang kalatas.
(ROSE NOVENARIO)