IPINAGMALAKI ng Palasyo na ang sistemang ‘lockdown’ na ipinatupad ng administrasyong Duterte ay nakapaligtas ng 100,000 Pinoy sa kamatayan.
“Mismong ang World Bank, ayon kay Secretary of Finance Carlos Dominguez, sa kaniyang pakikipagpupulong sa mga opisyal nito ang nagsabing pinuri ng World Bank si Presidente Rodrigo Duterte dahil sa 100,000 buhay na nailigtas dahil sa decisiveness ng Pangulo. Kung hindi tayo nag-lockdown, 100,000 na po dapat daw ang namatay,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa virtual press briefing kahapon.
Aniya, nalimitahan ang coronavirus disease (COVID-19)-related deaths sa Filipinas sa mahigit isang libo dahil sa naging diskarte ng administrasyong Duterte laban sa pandemya hindi gaya sa ibang bansa na napakataas ng bilang ng mga namatay na mamamayan.
Binigyan-diin ni Roque, walang ginawang ‘military solution’ ang gobyerno para ipatupad ang kampanya kontra-COVID-19 bagkus ay ginamit ng Palasyo ang kakayahan at karanasan ng military officials para mapabilis ang implementasyon ng “public health solutions.”
“Wala po tayong military solution na ginagawa. Ginagamit lang po natin iyong kakayahan at saka karanasan ng ating military officials para po iparating nga iyong public health solutions sa lalong mabilis na panahon sa ating mga kababayan,” dagdag niya.
Nauna rito’y binatikos ng netizens at ilang personalidad ang pagtalaga sa mga retiradong heneral para mamuno sa inter-agency task force at national task force kontra-COVID-19 gayong ang pandemya ay public health emergency at hindi usapin ng seguridad.
Kabilang sa bumubuo ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ay mga retiradong heneral gaya nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, Social Welfare Secretary Rolando Bautista; at Defense Secretary Delfin Lorenzana, habang ang National Task Force implementer ay si Presidential Adviser on the Peace Process Carlito Galvez, Jr.
Matatandaan na kinuwestiyon ni Mindanao-based political analyst Raymund de Silva ang kakayahan nina Galvez, Bautista at Año, aniya’y namuno sa Marawi siege ngunit hanggang ngayo’y hindi pa rin nakababangon ang nasabing siyudad. (ROSE NOVENARIO)