MULING itinatwa ng Palasyo ang pag-uugnay sa komunismo ni Communications Undersecretary Lorraine Badoy kay activist nun Sister Mary John Mananzan.
Sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar, walang kinalaman ang Presidential Communication Operations Office (PCOO) at siya bilang chief information officer ng Malacañang sa mga pahayag ni Badoy laban kay Mananzan.
Bahala aniya si Badoy na patunayan o maglabas ng mga ebidensiya sa kanyang pinagsasabi kontra sa activist nun.
“With regard to the recent remarks of Undersecretary Lorraine Badoy on Sr. Mary John Mananzan, I defer to Usec. Badoy, as she is in the best position to elucidate and substantiate her statement,” ani Andanar sa isang kalatas kamakalawa.
“We would like to clarify that the assertions made by her, do not in any way reflect the views of the Presidential Communications Operations Office (PCOO) or my views as its chief information officer,” dagdag ni Andanar.
Nauna rito, umalma ang progresibong coalition na Movement Against Tyranny (MAT) sa pagbansag ni Badoy kay Mananza bilang tagausporta ng “Communist terrorist.”
Giit ng MAT, dapat humingi ng paumanhin si Badoy at ang mga ahensiya ng pamahalaan na ay konektado gaya ng PCOO at National Task Force to End Local Armed Communist (NTF-ELCAC).
“Badoy has gone way too far in her red-baiting and vilification activities by accusing one of the living pillars of Philippine activism, Sr. Mary John Mananzan, of aiding and abetting rape, pillage, mass murders, and other horrific crimes,” pahayag ng MAT.
“Such wild and baseless accusations coming from an undersecretary and official of the National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) not only defames Sr. Mary John’s person and reputation but puts her life and liberty in peril,” sabi ng grupo.
Matatandaan noong nakalipas na buwan ay inilaglag nang dalawang beses ng Palasyo si Badoy nang ikawing sa anti-communist propaganda ang isyu ng pagpapasara ng gobyerno sa ABS-CBN.
Ipinagbawal na sa official social media pages at attached agencies nito ang pag-cross post ng ibang ahensiya ng pamahalaan dahil sa hindi awtorisadong pagpapaskil ng NTF-ELCAC sa kanilang social media pages kaugnay sa isyu ng pagpapasara sa ABS-CBN noong Sabado.
Sa inilabas na Department Order 20-009 Series of 2020 ni Communications Secretary Martin Andanar, nakasaad na patuloy na ipinamamahala sa Radio Television Malacañang ( RTVM), isang attached agency ng PCOO, ang cross-posting activity sa mga official social media pages ng kagawaran.
ni ROSE NOVENARIO