HUMINGI ng paumanhin si Presidential Spokesman Harry Roque sa mga kawani ng Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth) na umalma laban sa “sweeping statement” na may mga ‘buwaya’ pa rin at talamak ang korupsiyon sa ahensiya.
“Naku, I’m sorry po to the honest-to-goodness, matitinong tao po na nagtatrabaho sa PhilHealth. In fairness, napakaraming matitino po riyan, halos lahat matitino, mayroon lang talagang mga bugok,” ani Roque sa virtual press briefing kahapon.
Sa panayam ng HATAW kay Fe Francisco, pangulo ng PhilHealth Workers for Hope, Integrity, Transparency and Empowerment (PhilHealth WHITE) ay sinabi niyang demoralisado ang mga kawani at matitinong opisyal ng ahensiya sa “sweeping statement” ni Roque laban sa mga taga-PhilHealth dahil kahit saan sila magpunta, ang tingin sa kanila ay ‘corrupt.’
Ipinagmalaki ni Roque na may mga naidemanda na siyang senior executives ng PhilHelth kaugnay sa ilang anomalyang nabisto niya sa ahensiya.
Giit ni Francisco, ang unyon bilang watchdog of the people, ay umaapela kay Pangulong Rodrigo Duterte na iutos ang in-depth investigation sa mga napaulat na katiwalian sa PhilHealth upang magwakas na ang ‘vicious cycle’ na urong-sulong na expose ng mga politiko sa mga anomalya sa ahensiya ngunit wala namang nangyayari.
Nakahanda aniya ang unyon na makipagtulungan sa anomang imbestigasyon na isasagawa kaugnay sa mga anomalya sa ahensiya.
Aminado si Roque na ang ‘hugot’ niya laban kay PhilHealth President at CEO Ricardo Morales ay dahil sa hindi pag-aksiyon laban sa mga opisyal ng ahensiya na sumabit sa katiwalian at ang pagtanggi na bigyan siya ng mga hinihingi niyang dokumento.
Kaugnay ito ng isiniwalat na anomalya ni Roque sa ghost dialysis patients ng Wellmed Diagnostics Center na pinaniniwalaan niyang may kasabwat sa PhilHealth. (ROSE NOVENARIO)