DAPAT managot ang Department of Health (DOH) sa pagkamatay ng mahigit isang libong Filipino sa pandemyang coronavirus disease (COVID-19) dahil sa sablay at palpak na pagtugon sa krisis.
Sa ilalim ng batas, ipinaliwanag na: “criminal negligence is a surrogate mens rea (Latin for guilty mind) required to constitute a conventional as opposed to strict liability offense.”
Tinutukoy nito ang obhektibong pamantayan ng inaasahang asal o gawi ng mga ‘nasasangkot’ nang hindi ito iniuugnay sa kalagayan ng kanilang pag-iisip.
Kaugnay nito, pinuri ng nagbitiw na National Task Force on COVID-19 special adviser Dr. Anthony “Tony” Leachon ang desisyon ng Ombudsman na imbestigahan si Health Secretary Francisco Duque at iba pang opisyal ng kagawaran kaugnay sa mga isyung may kinalaman sa COVID-19.
Giit ni Leachon, ngayon lamang siya nakakita ng recording na ginagawa ng DOH na mayroong ‘fresh’ at ‘late’ COVID-19 test results.
Mistula aniyang nilalaro ng DOH ang mga datos samantalang buhay ng mga Pinoy ang nakasalalay dito.
Kabilang sa ipinasisiyasat ni Ombudsman Samuel Martires ang umano’y kapalpakan at iregularidad ng DOH na naging daan sa pagkamatay ng maraming health workers at paglobo ng bilang ng mga binawian ng buhay at nagpositibo sa COVID-19 sa hanay ng medical frontliners. (ROSE NOVENARIO)