HINAMON ng mga kawani ng Philippine Health Insurance Corp., (PhilHealth) si Presidential Spokesman Harry Roque na pangalanan ang mga tinagurian niyang buwaya at ilabas ang mga hawak na ebidensiya para maimbestigahan at matuldukan ang korupsiyon sa ahensiya.
Sa panayam ng HATAW kay Fe Francisco, pangulo ng PhilHealth Workers for Hope, Integrity, Transparency and Empowerment (Philhealth WHITE) kahapon, sinabi niyang demoralisado ang mga kawani at matitinong opisyal ng ahensiya sa “sweeping statement” laban sa mga taga-PhilHealth.
Aniya, dahil sa pahayag ni Roque, lahat silang mga taga-PhilHealth ay natatatakan na “corrupt.”
“Ang panawagan namin kay Secretary Roque, ibunyag ang mga pangalan ng mga kilala niyang buwaya sa PhilHealth, ilabas ang mga dokumentong hawak niya. Huwag niyang ibitin-bitin ang pagbatikos, tapusin niya para maimbestigahan, makasuhan at maparusahan ang mga tunay na corrupt,” ani Francisco.
Giit ni Francisco, ang unyon bilang watchdog of the people, ay umaapela kay Pangulong Rodrigo Duterte na iutos ang in-depth investigation sa mga napaulat na katiwalian sa PhilHealth upang magwakas na ang ‘vicious cycle’ na urong-sulong na expose ng mga politiko ng anomalya sa ahensiya ngunit wala namang nangyayari.
Nakahanda aniya ang unyon na makipagtulungan sa anomang imbestigasyon na isasagawa kaugnay sa mga anomalya sa ahensiya.
Matatandaan, noong 2018 ay ipinasiyasat ni Pangulong Duterte ang COA report na P627,000 travel expenses ni PhilHealth officer-in-charge Celestina dela Serna at ang pagkalugi ng ahensiya ng P9 bilyon.
Sa liham ng PhilHealth WHITE kay Pangulong Duterte, isiniwalat ng mga kawani ang paglalagak ng P900-milyon mula sa isang bilyong pisong Externally Managed Fund (EMF) sa common stocks na labag sa Section 27 (d) ng Republic Act 10606 o Philhealth Charter na nagtatakdang dapat ay sa preferred stocks lamang puwedeng i-invest ang EMF.
Ang pag-invest ng EFM sa common stocks ay nagresuilta sa pagkalugi ng P116 milyon, batay sa income statement.
Ito anila ay nakasaad sa COA Audit Observation Memoramdum noong 23 March 2017 na isa sa mga naging isyu sa confirmation hearing ni dating Health Secretary Paulyn Ubial.
Nabatid sa PhilHealth White, katumbas ng estafa ang sabwatan noon nina Dela Serna at PHICEA President Esperanza Ocampo ang ilegal na pagpataw ng P2,000 na 10% agency fee sa 2016 at 2017 collective negotiation agreement (CNA) incentives na nagkakahalaga ng P20,000 noong nakalipas na Enero 2017 sa 3,500 casual employees na umabot sa P16 milyon.
Dahil anila sa pagbisto nila sa mga nasabing anomalya sa PhilHealth, sila pa ang sinampahan ng mga kasong administratibo ng mga opisyal at hindi sila binigyan ng CNA incentives.
Kamakalawa, inihayag sa Kongreso ni PhilHealth president at CEO Ricardo Morales na tagilid ang kalagayang pinansiyal ng ahensiya dahil sa coronavirus disease (COVID-19) at ang government subsidy ay P71 bilyon lamang para sa taong kasalukuyan.
Kinuwestiyon ni Roque ang sinabi ni Morales na wala nang pera ang PhilHealth dahil wala aniyang ginawa para panagutin ang mga ‘buwaya’ sa ahensiya.
“Ang hamon ko kay Gen. Morales, tinanggal ang dating mga miyembro ng board at pati ‘yung presidente dahil sa alegasyon ng korupsiyon, bakit ni isa wala pa siyang natatanggal,” ani Roque sa kanyang Twitter account.
“Tapos magrereklamo siya (Gen. Morales) na walang pera. Natural dahil ang mga buwaya, buhay na buhay pa rin diyan sa PhilHealth,” depensa ni Roque. (ROSE NOVENARIO)