SA PATULOY na paglobo ng bilang ng positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Metro Manila, inatasan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan sa rehiyon na mas maging agresibo sa pagpapatupad ng localized lockdown.
Sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año, sa pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF) at nagsisilbing Vice Chairperson, bagaman nababawasan ang bilang ng mga namamatay ay patuloy pa rin sa pagtaas ang kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa kalihim, ngayong kasagsagan ng pag-iral ng mas maluwag na general community quarantine (GCQ) sa rehiyon ay dapat na mas maging agresibo ang LGUs sa NCR sa pagpapatupad ng barangay lockdown sa kanilang nasasakupan upang maiwasan ang paghahawahan ng virus.
Nitong Lunes ng hatinggabi, una nang inianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na mananatili pa rin sa GCQ ang Metro Manila, base sa rekomendasyon ng Metro Manila Council (MMC) at IATF.
Samantala, naibalik sa ilalim ng mas mahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) ang Cebu City, na dating nasa GCQ tulad ng Metro Manila, dahil sa dumaraming kaso ng virus.
Ani Año, target ng DILG na dagdagan ang puwersa ng mga pulis sa Cebu City para tumulong sa pagpapairal ng ECQ doon. (ALMAR DANGUILAN)