SUPORTADO ng Palasyo ang direktiba ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na dapat magparehistro ang mga online seller at magbayad ng buwis ang mga kumikita ng P250,000 pataas kada taon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, mahalagang makakalap ng pondo ang gobyerno para matugunan ang pangangailangan ng bansa sa gitna ng pandemyang COVID-19.
“Well, ang pinagkukunan lang naman po natin nang ginagastos natin para sa COVID-19 ay iyong pondo na pumapasok primarily sa BIR at saka sa Customs. So, habang tumataas po iyong pangangailangan natin sa COVID-19, siyempre po hahanap at hahanap tayo ng pamamaraan para ma-increase iyong ating intake ng taxes,” ani Roque sa virtual press briefing kahapon.
Nanawagan ang Palasyo sa pang-unawa ng publiko dahil kailangan magkaroon ng laman ang kaban ng bayan para maipamahagi ang kailangang ayuda ng mga mamamayan sa panahon ng pandemya.
Umalma ang maraming online seller sa kautusan na patawan sila ng buwis dahil nawalan sila ng trabaho bunsod ng COVID-19 at wala umano silang natanggap na tulong mula sa pamahalaan. (ROSE NOVENARIO)