SINISI ng Malacañang ang pagsasawalang bahala ng mga opisyal ng barangay sa Pasay City sa pagkamatay ng 33-anyos ginang sa footbridge habang naghihintay ng biyahe pauwi sa Camarines Sur.
Ikinalungkot ng Palasyo ang sinapit ni Michelle Silvertino na dobleng kasawian ang sinapit habang naghihintay na makasakay ng bus pauwi sa kanyang pamilya sa Calabanga, Camarines Sur.
Nabatid na limang araw nanatili si Silvertino sa footbridge bago binawian ng buhay na pinagsususpetsahang dahil sa coronavirus disease (COVID-19).
Ani Roque, base sa imbestigasyon ng Palasyo, pinuna si Silvertino ng barangay officials ng Pasay at sinabi niya na hindi siya nanlilimos kundi stranded.
“Kung maibabalik natin ang panahon, dapat naman siguro iyong barangay officials na nalaman na stranded siya at nakatira roon sa bangketa e mayroon nang ginawa, ipinagbigay-alam sa City Hall o ‘di naman kaya sa DSWD o kaya rito sa Malacañang, dahil hindi naman tayo papayag na talagang mamamatay na lang sa kalye iyong mga hindi makauwi. So, napakalungkot po,” sabi ni Roque.
Nagsilbing wake-up call ang nangyaring trahedya kay Silvertino kaya ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Task Force ngayon ay nagkalat na ng mga tao sa area na nakapaligid sa mga estasyon ng bus, at sa airport at naghahanap ng ng mga stranded.
Samantala, nagpaabot ng pakikiramay ang Palasyo sa pamilya ng isang seafarer na nagpakamatay habang sakay ng Harmony of Seas pauwi ng Filipinas.
“We ask relevant agencies of the government to look into mental anguish of those adversely impacted by the COVID-19. The worldwide pandemic is taking an emotional toll on everyone and we must help our countrymen how to cope with stress, fear and worry in this challenging time,” sabi ni Roque.
Naghahanap na aniya ng paraan ang pamahalaan para mapabilis ang pagbabalik ng OFWs mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. (ROSE NOVENARIO)