NANGANGAMBA ang isang dating opisyal ng administrasyong Duterte na puwedeng lumala ang coronavirus disease (COVID-19) at lalong malugmok ang ekonomiya ng bansa na mahihirapang bumangon sa loob ng maraming taon kapag iniasa sa iisang contact tracing app ang pagkontrol sa pandemya.
“Last Sunday, June 7, I have to break my silence to reach out to the IATF that if they only depend on StaySafe.ph as the government contact tracing app, we would never be able to flatten this pandemic curve which will mean more deaths and may damage our economy that may take years to recover,” sabi ni dating Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Eliseo Rio, Jr., sa kanyang Facebook post kahapon.
Iginiit ni Rio, kung inaprobahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) ang panukala nila nina DICT Secretary Gregorio Honasan at National Task Force implementer Carlito Gavez, Jr., na magbuo ng COVID-19 Central Platform noong nakalipas na 29 Abril, hindi sana nararanasan ang paglobo ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Umapela si Rio sa IATF na pakinggan ang naturang panukala upang mailigtas sa ibayong panganib ang Filipinas.
“It is also to point out to IATF that had they approved the COVID-19 Central Platform endorsed by both Secretary Honasan and Secretary Galvez submitted to them last April 29, this rise in the curve that we are experiencing now would not have happened. For the sake of our people and country, I hope IATF will listen this time,” sabi ni Rio.
Maging si Dr. Eric Tayag aniya na isang opisyal ng Department of Health (DOH) ay tumestigo sa pagdinig sa Kongreso nong 12 Mayo 2020 na walang pruweba na ang StaySafe.ph ay epektibong contact tracing app.
Ipinaliwanag ni Rio na sumulat si Galvez sa IATF noong 13 Mayo at nagpanukala na magbuo ng Information System Task Group, na may tungkulin na busisiin ang lahat ng COVID-19 apps “to assess their compatibility and scalability with the purpose of the government, and to insure that privacy and security issues of all collected Covid-19 data shall be addressed.”
Ngunit ibinasura ng IATF ang nasabing suhestiyon ni Galvez.
Pero ang higit na nakapagtataka, ang halos apat na buwang nakatenggang resignation letter niya sa Palasyo ay biglang tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nauna rito’y isiniwalat ni Rio na ang pagkuwestiyon niya sa pagpili sa StaySafe.ph bilang official contact tracing app ang naging dahilan sa pagsibak sa kanya sa puwesto noong nakaraang buwan.
Ani Rio, umuubra lamang ang StaySafe.ph sa 3G capable phones at mga bagong modelong cellphones kaya’t may 20 milyong Filipino na gumagamit ng 2G devices ang maeetsapuwera bukod pa sa mahina ang signal sa ilang lugar sa bansa.
Ang StaySafe.ph ay isang health monitoring app na may location tracker ngunit hanggang ngayon, ayon kay Rio, ay walang contact tracing capability.
Nagsisilbi itong database ng cellphone numbers at ng kanilang location na maaaring gamitin sa paniniktik at sa eleksiyon, ayon sa ilang information technology experts.
Ang StaySafe.ph ay ginawa ng Multisys Technologies Corp., isang kompanyang “party owned” ng telco giant PLDT Inc., ni Manuel V. Pangilinan, isa sa mga binansagang oligarch ni Pangulong Duterte. (ROSE NOVENARIO)