HINIKAYAT ng isang kongresista ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na maglabas ng special permit para sa mga magkakapamilya na aangkas sa motorsiklo imbes i-ban nang tuluyan.
Ayon kay Rep. Ronnie Ong ng Ang Probinsyano party-list, dapat maglabas ang IATF-EID ng special identification cards o exemption passes para sa mga mag-asawa at miyembro ng pamilya upang makapagbiyahe sa loob ng nasasakupan ng general community quarantine (GCQ).
Sinabi ni Ong, dapat ikonsidera ng gobyerno ang sakripisyo at kahirapan na dinaranas ng mga tao bunsod ng kawalan ng pampublikong sasakyan.
Bilang win-win solution, inirekomenda ni Ong sa IATF-IED na payagan ang back-riding para sa mga mag-asawa at kapamilya.
“As a requirement, the issuing agency should require documents, including but not limited to marriage certificates, barangay certificate of residency, and such to prove relationship status from ID/exemption pass applicants,” ani Ong.
Ang pagbabawal sa angkas ng magkapamilya ay mas delikado dahil mas mahirap mag-contact tracing kung ang taong may CPVID-19 ay sasakay sa pampublikong sasakyan.
“This is even more dangerous because it makes doubly harder to conduct contact tracing if an infected individual is using public transport instead of a motorcycle driven by a family member,” ani Ong.
Aniya, napakahirap sa mga manggagawa na gustong bumalik sa trabaho upang kumita at ang motosiklo ay isang paraan upang mapadali ito.
“Sana naman maintindihan ng Task Force na hindi lahat ng mga kababayan natin ay may sariling kotse o may kakayahan na magbayad ng taxi o kaya ng ating mga TNVS. Kailangan nating mabigyan ng ligtas na alternatibong transportasyon ang mga kababayan natin. Sobrang bugbog na po ang karamihan sa atin dahil sa COVID-19 pandemic. Bigyan naman natin sila ng kaunting konsiderasyon,” apela ni Ong. (GERRY BALDO)