HAWAK ng isang opisyal ang dalawang ‘jucy positions’ ng Department of Education (DepEd) sa Region III na ikinagulat ng ilang guro sa rehiyon.
Nabatid na si Dr. Nicolas Capulong ay Officer-in-Charge sa Office of the Regional Director ng Region III at concurrent Officer-in-Charge din ng Office of the Schools Division Superintendent ng Schools Division Office Bulacan.
Labis na ikinagulat ng ilang guro nang mabatid na si Capulong ay itinalagang OIC ng SDO Bulacan gayong siya ang OIC ng Region III.
Nakasaad sa memorandum na nilagdaan ni Mina Gracia L. Acosta, Assistant Schools Division Superintendent, noong 03 Hunyo 2020 para sa lahat ng kawani ng DepEd Bulacan, si Capulong ang OIC ng SDO Bulacan epektibo noong 01 Hunyo 2020.
“It is strictly advised that the signatories in all transactions and documents be addressed accordingly,” ani Acosta sa memorandum.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, nanggaling sa Central Office ang appointment ni Capulong bilang OIC ng SDO Bulacan at hindi mula sa DepEd Region III na si Capulong din ang OIC.
Paliwanag ni Briones, third level position ang District Superintendent kaya hindi maaaring magmula sa Regional office ng DepEd ang appointment.
“Tapos doon sa query kanina tungkol sa Bulacan, mayroon ng sagot: Ang nag-designate ng RDSSBS ay ang Central Office at this time kasi nagkaroon ng vacancy. While waiting for the vacancy, mayroong dine-designate. Ang RD, ang Regional Director, hindi siya puwedeng mag-designate ng District Superintendent dahil ano siya … this is a third level position. So, galing sa Central Office iyong appointment ng Superintendent na iyan, hindi na mismo ang RD ba o ang SBS ang nag-appoint sa sarili niya – vinerify namin,” ani Briones sa virtual press briefing sa Palasyo kahapon.
Walang pahayag si Briones kung bakit nakopo ni Capulong ang dalawang pinakamataas na posisyon sa DepEd Region III at Bulacan.
Batay sa Administrative Code of 1987 Section 8, ang third level position sa gobyerno ay presidential appointee o itinatalaga ng Pangulo ng Filipinas. (ROSE NOVENARIO)