BUMAGSAK sa bitag ng pinagsanib na puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO), Quezon City Police District (QCPD) at Makati Police nang ilatag ang buy bust operation laban sa dalawang drug personality na nakompiskahan ng mahigit P1 milyong halaga ng shabu at marijuana, sa Barangay Pio Del Pilar, Makati City, nitong Huwebes .
Kinilala ni NCRPO chief, P/MGen. Debold Sinas ang mga nahuling sina Mark Joseph Gabales, alyas Allen, 22 anyos, ng 6657 Taylo St., Bgy. Pio Del Pilar, Makati City; at John Edward Almiral, 27 anyos, delivery boy ng 1915 A. Campillo St., Malate, Maynila.
Bandang 3:00 pm nang matagumpay na isagawa ang buy bust operation kung saan nakabili ng P100,000 halaga ng shabu ang poseur buyer at nagbigay ng go signal sa mga kasamang operatiba matapos mapasakamay ang shabu.
Nakuha ang nasa 150 gramo ng shabu at 160 gramo ng marijuana na may kabuuang Dangerous Drugs Board (DDB) value na P1,044,000; at ang isang pirasong genuine P1,000 bill kasama ang boodle money na P99,000; at isang cellphone.
Mahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Ikinatuwa ni Sinas ang patuloy na tagumpay ng anti-criminality activities ng kaniyang mga tauhan.
“I am elated for the dedication to duty shown by my men in the implementation of our illegal drug campaign. Guaranteed that NCRPO will be working its best to free the Metro against all forms of criminality and illegal drugs,” ani Sinas. (JAJA GARCIA)