Monday , December 23 2024

Ikulong si Sinas — Gabriela (Sa Voltes V birthday mañanita)

KUNG “shoot them dead” ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga ‘pasaway’ sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ), nais naman paimbestigahan muna nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año at Philippine National Police (PNP) Gen. Archie Gamboa ang kontrobersiyal na mga retrato ng papiging ni    National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Debold Sinas nitong 8 Mayo 2020 para sa kanyang kaarawan na ginanap sa Camp Bagong Diwa.

Ngunit para sa Gabriel party-list group, dapat ikulong si Sinas dahil sa paglabag sa batas kaugnay sa ipinatutupad na ECQ nang magdaos ng piging sa kanyang kaarawan.

Kasabay nito kinondena ng Gabriel party-list group si Sinas sa garapal na pagdaraos ng handaan noong kanyang birthday na mistulang sampal sa mga inaresto ng mga pulis sa paglabag sa quarantine protocols at mga gutom na mamamayan na pinilit manatili sa bahay bilang pagtalima sa ECQ.

Umani ng kritisismo mula sa iba’t ibang sektor ang kumalat na mga larawan, sa social media, ng magarbong birthday party ni Sinas na may temang Voltes V, sa Camp Bagong Diwa, Taguig City na dinaluhan ng may 50 kataong nagsalo sa masaganang pagkain, nag-inuman ng alak, at tila debutanteng inalayan ng 18 rosas ang heneral, ng kanyang mga tauhan.

Anang mga nagalit na netizens, inabuso ni Sinas ang kanyang kapangyarihan at nilabag ang “Bayanihan to Heal As One Act” gaya ng pagbabawal ng mass gatherings, obserbasyon ng social/physical distancing, at pagsusuot ng face mask sa pampublikong lugar, at liquor ban.

“Ironically, it was Sinas who insisted that the 10 relief workers in Marikina should be jailed & punished. Now, he is defending his party attended by dozens of police,” sabi ng Gabriela.

Inatasan ni Año ang PNP chief na si Gamboa na imbestigahan ang insidente pero bago pa man umusad ang pagsisiyasat ay ipinagtanggol na si Sinas ng hepe ng pambansang pulisya.

“We’re not really sure if parties are allowed but we know that the probable violation would be on mass gatherings. But, as of now, they [parties] are prohibited because there is no detailed policy about this,” ani Gamboa.

Bagama’t tinawag ni Año na walang delicadeza ang ginanap na piging ni Sinas, mistulang dinepensahan din niya ang heneral at sinabing hindi sinadya ang pagtitipon kundi isang tradisyon sa Philippine Military Academy (PMA ) para sa may kaarawan na ang tawag ay mañanita.

“But as I said, wala siyang tinatawag na deliberate partying. So tingnan na lang natin kung ano ang lalabas sa investigation ng Philippine National Police,” pahayag ni Año.

Tikom ang bibig ng Palasyo sa insidente na ipinagtaka ng ilang observers dahil kilalang maingay si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbatikos sa mga pasaway o mga hindi sumusunod sa quarantine protocols.

Matatandaang naging kontrobersiyal ang naging pahayag ng Pangulo na “shoot them dead” laban sa mga pasaway sa ECQ. (ROSE NOVENARIO)

Reaksiyon sa Voltes V
party ni Sinas
DELICADEZA PAALALA
NI AÑO SA LGUs, PNP

PINAALALAHANAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang local government officials (LGUs) at mga kagawad ng Philippine National Police (PNP) na magsilbing huwaran sa pagpapatupad ng quarantine protocols na umiiral sa bansa.

Ito ang  pahayag ni Interior Secretary Eduardo Año ay bilang reaksiyon sa ulat na nagdaos ng party sa tanggapan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) headquarters sa Taguig City, para sa kaarawan ni NCRPO chief, P/MGen. Debold Sinas noong isang linggo.

Ang mga larawan sa okasyon, na maituturing anilang isang mass gathering, na mahigpit na ipinagbabawal sa ngayon, sa ilalim ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ), ay nag-viral sa social media at nakatanggap ng mga pagbatikos.

“Ang ating sinasabi sa ating government officials lalo sa nasasakupan ng DILG, ito ‘yung tinatawag nating delicadeza, may mga pagkakataon na kailangan maging (good) example ka,” ayon kay Año.

“Habang nasa ECQ tayo, wala ‘yung mga celebration na ganyan, ‘yung mga organized dinner na ganito, hindi ‘yan ano… delicadeza nga e,” dagdag ni Año.

Kaugnay nito, ipinauubaya ni Año sa Philippine National Police (PNP) ang pag-iimbestiga sa insidente.

Una nang sinabi ni PNP chief, Gen. Archie Gamboa na wala siyang nakikitang masama sa ‘Birthday Mañanita’ o birthday serenade na ibinigay ng kanyang mga tauhan kay Sinas.

Kinausap na umano niya si Sinas hinggil dito at tiniyak na aalamin kung may naganap ngang quarantine protocol violations. (ALMAR DANGUILAN)

 

NCRPO CHIEF
DUMEPENSA
SA ‘VOLTES V’
BIRTHDAY PARTY

HINDI napigilan ang selebrasyon dahil labis na ikinatuwa ang tradisyonal na “Birthday Mañanita” pero hindi umano nagpabaya na ipaalala sa mga tauhan ang social distancing, ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, P/MGen. Debold Sinas, kasabay ng paghingi niya ng paumanhin sa nagawang paglabag sa quarantine protocols.

“Overjoyed as a birthday celebrant, I was caught up with a traditional Mañanita spontaneously conducted by some of my officers and men in their own volition. In all actuality, my accommodation to them was done with all cautiousness because I am fully aware of the anti-COVID measures being implemented by the government. They were told to observe social distancing and other precautionary health measures. They were also told not to linger and prepare for the simultaneous relief distribution NCR-wide that day,” pahayag ni Sinas.

Depensa ni Sinas, ang mga larawan na nag-circulate sa social media ay edited at kinuha lamang umano sa mga lumang posts at ang iba pang larawan ay hindi naman ang kabuuan ng kaganapan ang inilalarawan.

Humingi ng paumanhin si Sinas sa publiko na labis na nadesmaya sa selebrasyon na naganap sa kaarawan nito.

“It was never my intention to disobey any existing protocols relatives to the implementation in enhanced community quarantine (ECQ),” pahayag ni Sinas.

Nangako si Sinas na ang NCRPO ay mananatiling susunod sa mga sasabihin at patnubay ng Pangulong Rodrigo Duterte at ni Chief, PNP Director General Archie Gamboa. (JAJA GARCIA)

 

About Rose Novenario

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *