PARURUSAHAN ang mga pulis na sangkot sa paglabag sa karapatang pantao habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine (ECQ ) laban sa pandemyang coronavirus (COVID-19).
Tiniyak ito ng Palasyo, kasunod ng ulat ng United Nations Council for Human Rights, na ikaapat ang Filipinas sa mga bansa sa buong mundo na may pinakamataas na kaso ng COVID-19-related human rights violations kasunod ng Nigeria, Kenya at South Africa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa virtual press briefing kahapon, sa mensaheng ipinadala sa kanya ni P/Gen. Archie Gamboa, tinitiyak ng Philippine National Police (PNP) na kanyang pinamumunuan
na ipatutupad ang rule of law at lahat ng insidente ng umano’y human rights violations ay bubusisiin at parurusahan ang mga dapat parusahan.
“We have a message here from the PNP chief (Gen. Archie) Gamboa. He will implement the rule of law. He will go through all the incidents involving alleged human rights violations and he will punish those that need to be punished,” pahayag ni Roque.
“But for now, we will rely on presumption of regularity in the discharge of their duties. But all complaints will be addressed by the PNP,” paglilinaw ng tagapagsalita ng palasyo.
Batay sa ulat, mula 17 Marso hanggang 29 Abril, umabot sa 23,145 ang inaresto ng PNP sa Luzon dahil sa mga paglabag sa quarantine protocols.
Umani ng batikos ang PNP nang mapatay ng isang pulis ang isang mentally challenged na retiradong sundalo habang sinisita ECQ checkpoint sa Quezon City noong nakaraang buwan. (ROSE NOVENARIO)