DAPAT managot si Pangulong Rodrigo Duterte sa ginawang kapabayaan sa pagsugpo sa coronavirus disease (COVID-19) na nagresulta sa nararanasang humanitarian crisis sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Inihayag ito sa kalatas ng Communist Party of the Philippines (CPP) na ipinadala sa media kahapon.
Ayon sa CPP, literal na nasa bingit ng kamatayan ang milyon-milyong pamilya dahil sa dalawang buwan nang ipinatutupad na enhanced community quarantine – general community quarantine (ECQ/GCQ) na nagbabawal sa kanilang maghanapuhay pero hindi nakatatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.
Nag-ugat anila ito sa kabiguan ng rehimeng Duterte na maglatag ng isang komprehensibong plano para magsagawa ng mass testing, tracing at isolation bilang pangunahing estratehiya para labanan ang COVID-19.
Upang ‘makapaghugas-kamay’ sa kapalpakan , ipinapasa anila ng gobyerno ang sisi sa mga mamamayan sa patuloy na pagkalat ng COVID-19 at ginawang tuntungan ang media campaign na “Takot ako sa COVID-19” upang takutin ang publiko at walang pagpilian kundi sundin ang anomang sasabihin ni Duterte.
Ayon sa World Health Organization (WHO), social distancing lamang ang puwedeng ipatupad ng isang bansang walang ginawa para palakasin ang paglaban sa pandemya gaya ng case finding at contact tracing upang magkaroon ng pagitan ang mga tao.
Kaugnay nito, binatikos ni CPP founding chairman Jose Ma. Sison ang pagpokus ni Pangulong Duterte sa pag-aalok ng P2 milyong pabuya sa makapagtuturo sa militar ng isang New People’s Army top commander.
Isang paraan aniya ito umusbong ang mga ‘manufactured NPA commanders’ para pagkakitaan ng militar at lumaganap ang pagpatay sa mga inosenteng sibilyan.
Isang sistema aniya ito ng panunuhol ni Duterte sa mga armadong ‘loyalista’ ng rehimen at paglihis sa atensiyon ng publiko mula sa kapalpakan at kabiguan niyang gampanan ang tungkulin na bigyan ng solusyong medikal ang laban kontra COVID-19.
Binigyan diin ni Sison, ang mga mapanupil na hakbang na ipinatutupad ng rehimeng Duterte ay isa sa pinakamalala sa buong mundo.
Matatandaang napaulat kamakailan na ang Filipinas ang ikaapat na bansa sa buong mundo na may pinakamataas na kaso ng COVID-19 human right violations, ayon sa United Nations Council for Human Rights.
Nauna sa talaan ng UNCHR ang Nigeria, Kenya at South Africa.
Naniniwala si Sison na kapag hindi naglunsad ng state-wide mass testing, tracing at isolation ng mga taong positibo sa COVID-19 upang matuldukan ang halos dalang buwang ECQ sa Metro Manila at iba pang lugar, “makatuwiran na manawagan ang sambayanan para sa pagbibitiw o pagpapatalsik kay Pangulong Duterte bilang tanging paraan upang magapi ang pandemya.” (ROSE NOVENARIO)