INILAGAY sa loob ng tatlong araw na lockdown ang Quezon City Police District (QCPD) headquarters sa Camp Karingal, Quezon City nang matuklasan na 14 tauhan nila ang positibo sa coronavirus (COVID-19) sa isinagawang group testing noong 25-29 Abril 2020.
Ito ang kinompirma ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kahapon.
Mula sa 1,563 populasyon sa loob ng Camp Karingal kabilang ang Regional Support Units, 219 ang sumalang sa target group testing at 115 ang nai-release na ang resulta kabilang ang 14 positibo habang hinihintay pa ang 104 tests results.
Isa sa 14 miyembro ng Joint Task Force ng National Capital Region (JTF-NCR ) habang ang 13 ay QCPD personnel .
Siyam ang Police Commissioned Officers, at apat ang Police Non-Commissioned Officers.
Sampu sa kanila ang nakatalaga sa District Headquarters, sa Camp Karingal, Quezon City, ang tatlo ay nakatalaga sa Police Community Precincts (PCPs).
Ang mga nagpositibo ay dating nakatalaga sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) Control Points.
Ang camp-wide lockdown ay nagsimula 5:00 pm nitong Sabado, 9 Mayo, at magtatapos 5:00 pm sa Martes, 12 Mayo, para bigyang daan ang intensive contact tracing sa 13 nagpositibo na inilipat sa NCRPO Special Care Facility.
Magsasagawa ng evaluation at monitoring sa mga nakasalamuha nila o direct contact na ipadadala rin sa SCF para sa isolation; gumawa ng assessment sa kalagayan ng 104 pang QCPD personnel na nakabinbin pa ang swab tests results, at madetermina kung sino-sino pa ang dapat bigyang prayoridad na sumalang din sa nasopharyngeal swab test.
Isasagawa sa buong pasilidad ng Camp Karingal ang agarang decontamination at pagpapatupad ng preventive measures para hindi na mahawa ang iba pang personnel.
Pansamantalang nag-oopisina sa Kamuning Police Station 10, ng QCPD ang district director na si P/ Brig. General Ronnie Montejo. (ALMAR DANGUILAN)