HINIMOK ni Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera ang Home Development Mutual Fund, na kilala sa pangalang Pag-IBIG Fund, na huwag munang maningil ng kabuoang bayad sa mga utang ng miyembro ngayong panahon ng enhanced community quarantine (ECQ) at sa mga lugar kung saan ito tatanggalin.
Ayon kay House Deputy Majority Leader Herrera, ‘unfair’ ang ganyang asta at labag sa Republic Act (RA) 11469 o ang “Bayanihan to Heal as One Act” na siya ay isang awtor.
Pinuntusan ni Herrera ang Pag-IBIG na nag-abiso sa social media na lahat ng loan amortizations na dapat bayaran sa panahon ng quarantine ay dapat bayaran sa susunod na due date pagkatapos ng ECQ.
Aniya, ayon sa isang opsiyal ng ahensiya, lahat ng “amortizations due” ay dapat bayaran nang buo sa “first working day” pagkatapos ng ECQ.
“Nananawagan po tayo sa Pag-IBIG, dapat kayo po ang numero unong nakikisama sa ating mga kababayan. Hindi ninyo puwedeng i-expect na pagbalik sa trabaho bibiglain ninyo na two or three months worth ang babayaran nila,” ani Herrera.
“Hindi po ‘yan makatarungan at hindi po ‘yan naaayon sa batas na ipinasa natin,” dagdag niya.
Sa Section 4 (aa) ng Republic Act 11469, lahat ng lending institutions ay sinabihan na bigyan ng “30-day grace period” o “extension on loan payments during the ECQ without imposing interest or penalties on borrowers.”
Ani Herrera, dapat tingnan ng Pag-IBIG Fund ang mga probisyon ng Bayanihan to Heal as One Act at ipatupad ito.
“In these trying times, our primary goal must be to ease the burden of our people so that they can focus on overcoming this pandemic and not worry about finances,” giit ni Herrera. (GERRY BALDO)