PABOR ang pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na bigyan na ng suweldo at i-professionalize o taasan pa ang kalipikasyon para sa mga posisyon ng barangay officials.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, ginagampanan na rin ng barangay officials ang tatlong pangunahing governmental functions gaya ng ehekutibo, lehislatibo at hudikatira, kaya’t dapat na rin aniyang itaas ang kalipikasyon at magkaroon ng professionalization sa barangay governance set-up.
Dapat rin aniyang hindi honoraria, kundi suweldo, ang natatanggap ng barangay officials.
“Dapat pag-aralan na i-professionalize ang mga barangay. Hindi lamang sila honoraria [ang kanilang tinatanggap], suweldo na,” ani Malaya.
Higit umanong kailangan ang “professional barangay” sa mga panahon ng kalamidad o disaster.
“Kapag panahon ng disaster ay kailangan na kailangan ang professional na barangay,” ani Malaya.
Sa kabilang dako, nagpahayag si Malaya ng suporta sa isang panukala sa Kongreso na naglalayong malimitahan ang populasyon sa bawat barangay ng hanggang 15,000 lamang.
Naniniwala si Malaya, mas mabilis na maihahatid ang mga serbisyo sa mga residente sa bawat barangay kung kakaunti.
Nauna rito, isinulong ni Representative Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte (2nd District), ang House Bill 6686 na naglalayong maamiyendahan ang Section 386 nf Republic Act No. 7160 o ang The Local Government Code of 1991.
“Sa tingin po namin mukhang maganda naman po ang proposal ni Rep. Barbers. Napansin nga po natin hindi po pantay-pantay ang mga barangay,” ani Malaya.
“Panahon na para pag-aralan natin ‘yung size ng barangay as proposed by Congressman Barbers,” aniya pa. (ALMAR DANGUILAN)