NAGBABALA ang pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga opisyal ng barangay na hindi dapat saktan ang mga residente kahit mahuling lumalabag sa mga panuntunan ng enhanced community quarantine (ECQ) na ipinaiiral ng pamahalaan upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang babala ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, nang mabalitaan ang naganap na insidente sa Panay Avenue sa Quezon City, na sinaktan ng barangay officials ang isang lalaking mentally-challenged, gamit ang isang pamalong rattan.
Ayon kay Diño, kahit may quarantine ay dapat pa rin obserbahan ang due process ng batas, sa lahat ng pagkakataon.
“Una sa lahat meron tayong ano diyan, meron tayong batas pero hindi mo dapat saktan, ‘yan na nga ‘yung inaano natin sa mga barangay ngayon. Kailangan ‘yung… proseso pa rin ng batas ang ating gagawin diyan,” paliwanag ni Diño, sa panayam sa radyo.
Aniya, sakali umanong lumaban ang isang violator ay saka lamang maaaring ipagtanggol ng mga awtoridad ang kanilang sarili ngunit dapat ay may maximum tolerance pa rin.
“In the event na lumaban ‘yan, that’s the time na puwede mong ipagtanggol ang iyong sarili, maliwanag tayo riyan,” ani Diño.
“Kailangan arestohin kasi may batas na dapat ipatupad e. Kailangan talaga maximum tolerance ka pa rin diyan,” paliwanag ni Diño.
Pinaalalahanan rin niya ang barangay officials na maging maingat sa kanilang mga aksiyon at huwag abusohin ang kanilang posisyon.
Giit niya, tiyak na mapaparusahan at makakasuhan ang mga lokal na opisyal na mapatutunayang umaabuso at hindi maayos ang pagganap sa kanilang tungkulin.
“Kaya nga dapat mag-ingat ngayon dahil ang daming mata, kapag nakuhaan ka ng video, paano mo ipagtatanggol ang sarili mo e video ‘yan,” aniya.
Nabatid na nakatatanggap na sila ng mga ulat na may kaugnayan sa grave abuse of authority na isasampa sa Office of the Ombudsman, city council, o anumang regular na hukuman. (ALMAR DANGUILAN)