NABULGAR ang iba’t ibang uri ng daan-daang kahon ng medisina at medical supplies mula sa China nang makompiska ng mga operatiba sa inuupahang bahay ng isang babaeng Chinese national na unang hinuli noong Sabado ng hapon sa Parañaque City.
Nabuko ng mga tauhan ng Office of the Mayor ng Parañaque City at ng Bureau of Permits and Licensing Office (BPLO) ang mga hindi rehistradong gamot matapos umamin kay Mayor Edwin Olivarez si Yumei Liang, alyas Liza Wu sa pamamagitan ng interpreter na may mga nakaimbak pa siyang gamot sa inuupahang bahay, hindi kalayuan sa itinayo niyang malaking klinika sa 3985 Lt. Garcia St., kanto ng Airport Road, Barangay Baclaran.
Noong Sabado ng hapon, sinalakay ng BPLO ang apat na palapag na klinika ni Yumei dahil sa kawalan ng kaukulang mga permiso sa pamahalaang lungsod at nakompiska rin ang napakaraming kahon ng gamot na umano’y ginagamit sa mga pasyenteng Chinese na may COVID-19.
Napag-alaman, ilang Chinese national na pumapasok nang palihim sa klinika sa pamamagitan ng pagdaraan sa likod ng gusali ang nagpapagamot kay Yumei sa iba’t ibang uri ng karamdaman, kabilang ang COVID -19.
Sabado ng hapon, pinangunahan mismo ni Olivarez ang pagsalakay sa bahay na inupahan ni Yumei sa Barangay Baclaran at dito nadiskubre ang napakarami pang uri ng gamot, hindi lamang sa COVID-19 kundi pati na rin sa mga sexually transmitted disease (STD), human immunodeficiency virus (HIV) acquired immunodeficiency syndrome (AIDS) at maging antibiotics, at anti-viral drugs na pawang galing sa bansang China.
Sinabi ng alkalde, may hinala sila na pawang mga dayuhang kawani ng POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) ang kliyente ni Yumei na karamihan ay residente sa Barangay Baclaran dahil kompleto sa hospital beds at iba pang uri ng kagamitan sa ospital ang klinika, pati na ang inuupahan niyang bahay. (JAJA GARCIA)