IPINAMAHAGI ng Philippine National Police – PRO3 sa kanilang mga kagawad ang mga sariwang gulay at mga bagong hangong isdang tilapia mula sa kanilang sariling fishpond kamakalawa, 19 Abril.
Sinabi ni PRO3 Director P/BGen. Rhodel Sermonia, sinimulan nilang i-develop bilang fishpond noong Pebrero 2020 ang isang ektaryang lupain pero dating swamp sa loob ng kampo na 30 taon nang nakatiwangwang upang mapakinabangan ng mga pulis.
Hindi umano nila inakalang sa pananalasa ng coronavirus (COVID-19) ay makatutulong sa food security ng mga personnel na naka-office quarantine sa loob ng kampo.
Pinangunahan ni Sermonia ang pamimitas ng sariwang gulay gaya ng talong, kamatis, sili at okra na itinanim sa gilid ng fishpond at ipinamahagi kasama ang mga sariwang isdang tilapia na hinango mula sa sariling fishpond ng kanyang mga tauhan.
Binigyan rin ng pamunuan ng PNP PRO3 ang mga pamilya ng mga sibilyang empleyado sa loob ng kampo. (RAUL SUSCANO)