TARGET talaga ng riding-in-tandem ang sinasakyang van ng aktres na si Kim Chiu mula sa paglabas sa subdivision hanggang paulanan ng bala ng baril pagdating sa traffic light sa kanto ng Katipunan Ave., at CP Garcia Ave., Barangay UP Campus, Quezon City, nitong Miyerkoles ng umaga.
Ito ang lumilitaw sa imbestigasyon ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) Kim Chui na pinamumunuan ni Quezon City Police District (QCPD) Deputy Director for Operation, P/Col. Enrico Vargas katuwang si P/Lt. Col Lucio Simangan, Jr., base sa nakuhang CCTV footage.
Sinabi ni QCPD Criminal Investigation and Detectoin Unit (CIDU) chief, P/Maj. Elmer Monsalve, base sa mga nakalap na CCTV footages, sinundan ng gunman ang sasakyan ni Kim Chiu na Hyundai H350 mula nang lumabas sa Loyola Heights Subdivision kung saan nakatira ang aktres.
Pagsapit sa Katipunan Ave., corner CP Garcia Ave., Barangay UP Campus habang nakahinto ang sasakyan, doon isinagawa ang pamamaril ng mga suspek sakay ng motorsiklo.
“Kung paano dumaan ‘yung sasakyan ng aktres na si Kim Chiu, makikita mo na nag-iisa lang ang sasakyan. Tapos sumulpot ang isang motor na naghihintay na doon sa subdivision,” ani Monsalve.
Sa ngayon, ani Monsalve, patuloy ang pangangalap ng ebidensiya para alamin kung ang insidente ay isang ‘mistaken identity’ o napagkamalan ang sasakyan ng aktres.
“Mistaken identity talaga ang isa sa malakas na tinitingnang angulo ngayon ng SITG, bagama’t may mga bagong development sa kaso sa isinasagawang pagsisiyasat. Kasi kung titingnan mo naman si Kim Chiu, sa kanyang background at character, hindi mo makikitaan na mayroon siyang nakagalit o nakatalo,” ayon sa hepe ng CIDU.
Inihayag ni Monsalve, inirerekober nila ang footage ng aktuwal na lokasyon kung saan nangyari ang pamamaril sa aktres, pero malabo ang kuha ng CCTV na nakalap ng QCPD at hindi mamukhaan ang mga suspek kaya panawagan ng SITG, kung sinoman sa mga motorista ang nakapag-record ng insidente sa kanilang dash cam ay huwag matakot at makipagtulungan sa pulisya. (ALMAR DANGUILAN)