ARESTADO ang 10 hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilang na ang mag-asawa na ginagamit ang karo ng patay sa pagdedeliber ng shabu, sa pinatinding Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) PNP sa ikinasang buy bust operation ng Macabebe Police Anti-Drugs Special Operation Unit, sa magkakahiwalay na lugar sa bayan ng Macabebe, sa lalawigan ng Pampanga.
Ayon sa ulat ni P/Maj. Michael Chavez, hepe ng Macabebe Police, sa tanggapan ni P/Col. Jean Fajardo, Pampanga Provincial Police director, matagal na nilang minamanmanan ang mag-asawang suspek na kinilalang sina Jerome Gopez, alyas Labyok, 27 anyos; at Roxanne Gopez, alyas Kulot, 26, anyos, kapwa nakatira sa Bgy. Panipuan, sa bayan ng Mexico, sa naturang lalawigan.
Nasamsam ni P/SSgt. Jose Rebino Galwa at P/Cpl. Jeffrey Loyola ang ilang pirasong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu sa loob ng karo na kulay puting Hyundai Starex, may plakang PJI 591.
Kinilala rin ang walong nadakip na tulak na pawang nasa drug watchlist ng pulisya na sina Orlando Aguino, alyas Isi; Marnell Canlas, Antonio Vellegas, Joshua Bondoc, Joseph Richard, Mark Anthony Manalili, Connie Hagoat, at Ada Magdamit, sa ikinasa nilang buy bust operation sa mga lugar na nakabili ng shabu ang nagpanggap na poseur buyer na sina P/SMSgt. Marcial Dan-Uya, P/Cpl. Ericson Maymaya, at P/Cpl. Elmer Dumannop.
Nakatakdang sampahan ng mga awtoridad ng kasong paglabag sa RA 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga nadakip na suspek.
(LEONY AREVALO)