NANAWAGAN ang Palasyo sa publiko na iwasan gumawa ng mga espekulasyon kaugnay sa pagbagsak ng helicopter na lulan ang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) kahapon sa San Pedro, Laguna.
“We ask the public to refrain from making speculations relative to the circumstances as we wait for the official results of the probe on the incident,” sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa isang kalatas.
Imino-monitor aniya ng Palasyo ang mga kaganapan hinggil sa naturang insidente, ikinalugod na ligtas si PNP chief Gen. Archie Gamboa at nananalangin sa mabilis na paggaling ng mga kasama niya sa chopper.
Batay aniya sa inisyal na mga ulat, ang insidente ay dulot ng pagdikit ng chopper sa isang high-tension wire dahil sa poor visibility.
Kasama ni Gamboa sa bumagsak na chopper sina Maj. Gen. Jose Ma. Victor Ramos, Director of Comptrollership, at Maj. Gen. Mariel Magaway, Director of Intelligence, BGen. Bernard Banac, PNP Spokesperson, P/Capt. Kevin Gayrama, aide-de-camp ng PNP Chief, at P/SMSgt. Louie Estona.
Sina PNP Col. Zalatar ang pilot habang si Lt. Col. Macawili ang kanyang co-pilot.
(ROSE NOVENARIO)