BINAWIAN ng buhay ang isang diakono ng Iglesia Ni Cristo matapos tambangan at pagbabarilin ng dalawang magkaangkas na armadong suspek sa harap ng kapilya kamakalawa ng gabi, 4 Marso, sa bayan ng Guagua, sa lalawigan ng Pampanga.
Mariing kinondena ng mga kapatiran sa pananampalataya ng INC ang pagpaslang sa biktimang kinilalang si Allan Sta. Rita, isang pribadong kontratista, at diakono ng INC, nakatira sa Barangay Paguiruan, sa bayan ng Floridablanca, sa naturang lalawigan.
Batay sa imbestigasyon ng Guagua Municipal Police station, dakong 8:00 pm nitong Miyerkoles nang maitawag sa kanilang himpilan ang insidente ng pananambang sa Barangay Ascomo, sa bayan ng Guagua.
Dumalo sa isang pagpupulong sa kanilang kapilya sa nasabing lugar ang biktima.
Lumabas ng kapilya si Sta. Rita para kausapin ang tumatawag sa kanyang cellphone pero hindi napuna ang mga suspek na naghihintay sa kanya.
Bumunot ng baril ang gunman at malapitang pinaputukan sa ulo at ibang parte ng katawan ang biktima na agad niyang ikinamatay.
Ayon sa ibang nakakikilala sa biktima, wala umanong nakaaway si Sta. Rita at maaaring may kaugnayan ang krimen sa kanyang pagiging kontraktor.
Kasalukuyang iniipon ng mga awtoridad ang mga ebidensiya at tinitingnan ang lahat ng mga kuha sa CCTV na maaaring dinaanan ng mga suspek sa pagtakas habang iniimbestigahan ang lahat ng mga anggulo upang matukoy ang tunay na motibo at utak sa paglikida sa biktima. (RAUL SUSCANO)