HINIMOK ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na iwasan si dating Sen. Antonio Trillanes IV at huwag paniwalaan ang mga sinasabi.
Ayon sa Pangulo, puro daldal si Trillanes, nagpapasiklab kahit hindi naman napasabak sa giyera noong sundalo pa.
“Pati si Trillanes sige daldal hanggang ngayon. Alam mo, you are… kayo ang nasa, mga politiko, mga politiko basta politika lang, so you, you know you should avoid people like that. ‘Yan akala nila sila ang… mga grandstanding na wala namang magawa, hindi naman bemedalled, hindi naman nagpunta ng gera ang gago nasa opisina lang, tapos mag-ambisyon. You know, ‘yung mga ganoon iwasan ninyo. I am just advising you, stay clear… sisirain tayo,” anang Pangulo sa kanyang talumpati sa Public Officers Safety Course graduation ceremony sa Davao City.
Kamakailan ay naglagak ng piyansa si Trillanes dahil sa mga kasong nagsangkot sa kanya sa inilabas na “Ang Totoong Narcolist” video noong nakalipas na taon.
Nagkaroon ng sariling YouTube channel si Trillanes na may titulong TRX o Trillanes explains na ginagamit niyang behikulo upang ipaliwanag ang kanyang mga saloobin at binabatikos si Pangulong Duterte at kanyang administrasyon.
(ROSE NOVENARIO)