MAAARING may mga sariling dahilan si P/Lt. Col. Jovie Espenido sa kanyang pangambang baka itumba siya ng gobyerno o ng mga pulis.
Ito ang tugon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa sinabi ni Espenido na walang ibang magpapapatay sa kanya kundi ang gobyerno o mga pulis.
“There will be no other entity that would kill me. It would be the government, the police,” ani Espenido sa isang panayam sa kanya kamakailan.
Para kay Panelo, hindi mapipigilan ng Palasyo ang naturang pangamba ni Espenido dahil posibleng may sariling mga dahilan ang police colonel.
“If that is Col. Espenido’s fear, we cannot stop him such apprehension. He must have some reasons,” sabi ni Panelo.
Hindi aniya papayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na mapahamak ang sinoman labas sa itinatadhana ng batas.
“PRRD will not allow any harm to anyone outside of legal processes and methods sanctioned by law,” aniya.
Matatandaan, inilagay sa floating status ng PNP si Espenido matapos mapasama ang kanyang pangalan bilang high value target sa narco list ng gobyerno.
Si Espendio ang nanguna sa operasyon ng pulisya laban kina dating Albuera Mayor Rolando Espinosa at mga Parojinog ng Ozamis City sa kasagsagan ng drug war ng administrasyong Duterte.
(ROSE NOVENARIO)